Thursday, June 17, 2021

NATUTUHAN/ NATUTUNAN ni Virgilio S. Almario

 [Isinulat noong 15 Set 2015 at bahagi ng aklat na Kulo at Kolorum (2020)]


NABÁSA KO KAMAKAILAN ang pagsisikap ng isang Linggwistasero na ipatanggap ang kawastuan ng “natutúnan.” Nagsisimula siyá sa pagtatanong. Alin ba ang tama: “natutúhan” o “natutúnan”? Ang sagot niya, parehong tama. At tama siyá, dahil kapuwa ginagámit ng mga tao ang naturang dalawang anyo. Tama ang “natutuhan” dahil gumagámit ito ng alam nating hulapi na +HAN para sa salitâng “túto.” Ngunit bakit tama ang “natutúnan” samantalang wala naman táyong nagpag-aaralang hulapi na +NAN?

Dito ipinasok ng ating Linggwistasero ang kaniyang hakàng “tambalang hulapì” at wika niya’y ang sumusunod: +ANAN, +ANIN, +INAN, at +ININ. Magulo ang kaniyang paliwanag at hindi naman pumasok sa kaniyang talakay ang kaso ng +NAN. [Tatalakayin ko ang tungkol sa kaniyang konseptong “tambalang hulapi” sa susunod na bahagi ng artikulong ito.]

Matagal ko nang sinusuri ang kaso ng “natutúnan” mula nang marinig ko ito sa TV. Dahil wala namang hulaping +NAN sa balarilang Tagalog, dapat litisin ang naging paggámit nitó sa pagbuo ng “natutúnan.” Nakaligtaan lámang bang ilahok ang +NAN sa listahan ng mga panlapi ni Lope K. Santos? O isa lámang itong aberasyon, isang anomalyang pangwika na bunga ng isang namalîng bigkas ngunit lumaganap? Sa aking pagbabalik sa nakalathalang mga dokumento, hindi ko nasumpungan ang “natutúnan” hanggang nitóng nakaraang tatlong dekada lámang. Mula sa panahon ni Balagtas at hanggang sa dekada 80 ay “natutúhan” lámang ang lumilitaw sa limbag na panitikan.

May lumilitaw ba namang ibáng salitâ na ginamítan ng +NAN? Mayroon. May apat na salitâ na tiyakang ginamítan ng +NAN mula sa bokabularyong Noceda at Sanlucar: ang “katotohánan,” “kasalánan,” “tawánan (katatawanán),” at “nakayánan.” Idadagdag ko ang mas kamakailang “talúnan,” “napalúnan,” “paanán,” at “ulunán.” Ang ibáng nakíta kong sampol ay bunga ng pagtitipil. Halimbawa, ang “tangnán” na kinaltasang “tangan+an,” “sapnán” na mula sa “sapin+an,” “datnán” na mula sa “datíng+an,” “kúnan” na mula sa “kuha+han,” “tingnan” na mula sa “tingin+an,” “kabihasnan” na inimbento sa panahon ng Americano mula sa “ka+bihasà+an” at kaanyo ng matandang “nakamihasnan.”

Sa apat na matandang anyo mula sa Noceda at Sanlucar, ang “nakayánan” ang unang maaari kong ituring na lehitimong gamit ng +NAN. Nabuo ito sa “na+káya+nan.” Walang naganap na pagtitipil. Gayunman, isang aberasyon ang salitâ, dahil maaari namang ipahayag ang ibig sabihin sa pamamagitan lámang ng “nakáya.” Walang pagkakaiba ang “nakáya” at “nakayánan” sa kahulugan. Sa gayon, ang +NAN sa “nakayanan” ay mistulang isa lámang dagdag na pantig.

Kasong “Katotohánan”
Naiibá ang kaso ng “katotohánan.” Noon pang ilimbag ang unang edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino (2001) ay ipinatukoy ko nang binubuo ito ng salitâng-ugat na “totoó” at naiipit ng isang unlapi at dalawang hulapi, kayâ /ka+totoo+han+an/ ang kabuoan. Ibá ito sa posibleng unang pormasyon na “katotóhan” /ka+totoo+han/ na nangangahulugang “pagiging totoo.” Samantala, ang “katotohánan” ay isang pagtiyak sa kaganapan ng isang totoo.

Ang dalawang hulapi sa “katotohánan” ay maaaring katulad ng tinatawag na “tambalang hulapi” ng ating Linggwistasero. Ngunit segurado akong ang magkasunod na +HAN at +AN ay hindi ang inilista niyang +ANAN, +ANIN, +INAN, +ININ. Sa halip, dapat isipin na talagang nagaganap sa Tagalog ang pagkakaroon ng dalawa o mahigit pang panlapi para sa isang salitâng-ugat. Hindi pinapansin, ngunit malimit itong maganap sa mga unlapi at nagdudulot ng pagbabago ng kahulugan sa salitâng-ugat. Tandaan: Ang pagbabago sa panlapi ay nagdudulot din ng kaukulang pagbabago sa kahulugan ng nilalapiang salitâ. Halimbawa, ang salitâng “lákad” ay maaaring unlapian ng MA+ at maging “malákad.” Ang MA+ ay maaaring dagdagan ng KA+ kayâ ang “malákad” ay magkakaanyong “makalákad.” Puwede pa nating idagdag ang PAG+ upang mabuo ang “makapaglakád.” Magagawa rin ito gámit naman ang MAG+ para sa “maglakád” na maaaring pahabain at maging pangmaramihan sa pamamagitan ng MAGSI+ “magsilakád,” o MANGAG+ “mangaglakád,” o MANGAGSI+ “mangagsilákad,” o MANGAGSIPAG+ “mangagsipaglakád.”

Sa mga nabanggit na kaso, hindi lámang “tambalan” kundi “tatluhan” pa ang mga unlapi. Sa ganitong pangyayari, ang pagkakaroon ng mahigit sa isang hulapi ay hindi kataká-taká.

Naganap ang gayong magkasunod na hulapi sa “alalahánin,” gaya ng ibinigay ding halimbawa ng ating Linggwistasero. Ngunit hindi sa anyong “alalah+anin” tulad ng suri niya. Sa halip, “alala+han+in.” Lilinaw ang aking suri kapag inihatag ang anyo ng “alála” kasáma ang unlaping PA+ at hulaping +HAN: “paalaláhan” /pa+alala+han/ na pinagmumulan ng higit na komplikadong anyong may magkasunod na hulaping +HAN at +AN: “paalalahánan” /pa+alala+han+an/. Ang “paalaláhan” at “paalalahánan” ay may mga anyo at pagpapakahulugang katulad ng “katotóhan” at “katotohánan.”

Mga Anyo ng “Tálo”
Ang kaso ng “talúnan” at “napanalúnan” ay kawangking-kawangki ng “natutúnan.” Mula sa salitâng “tálo” ang dalawa, at isa sa nakatutuwang pangyayari sa ating wika, dahil ang salitâ ay naging ugat ng magkakaibá, at (mas nakatutuwa) magkasalungat na mga salitâ: “taló,” “pagtatálo,” “panálo.” Ang “tálo” ay bigo; ang “panálo” ay nagtagumpay. Batay sa naturang magkahiwalay na resulta ng isang paligsahan o labanan, may palagay ako (palagay lámang dahil kailangan pang saliksikin) na ang ugat ng dalawa ay nása kahulugan ng “tálo/taló” bílang ugat ng “pagtatálo” at “pagtataló.” Ang “pagtatálo” ay pag-uusap nang nagpapaliwanagan hinggil sa magkasalungat na paniniwala o paninindigan. Kahawig ito ng tinatawag natin ngayong “debáte” mula sa Español. Ang “pagtataló” ay may gayunding sitwasyon ngunit may higit na agresibong himig. Hindi lámang nagpapaliwanagan ng tindig ang magkabilâng panig; sa halip, umabot na silá sa antas ng di-pagkakasundo kayâ malamáng nang mag-away. Ang “magkataló” samakatwid ay nakahanda nang idaan sa santong paspasan ang pinag-uusapan pa lang ng “magkatálo.” Gayunman, ang “tálo” at “panálo” ay kapuwa resulta ng “pagtatálo” at “pagtataló”; maliban kung may mamagitan o umawat sa salungatan at sikaping magkasundo ang magkabilâng panig.

Ang “talúnan” /tálo+nan/ at “napanalúnan” /napang+tálo+nan/ ay bahagi ng magkasalungat na paggámit sa “tálo.”

Nang sabihin kong kawangking-kawangki ng dalawa ang kaso ng “natutúnan,” nais kong tukuyin ang pangyayari na aberasyon din lámang ang +NAN sa “talúnan” at “napalúnan.” Higit na angkop gamítan ang mga ito ng hulaping +HAN upang maging “talúhan” at “napanalúhan.”

Kasong Ulo at Paa
Samantala, kaagad kong naituring noon na aberasyon ding tulad ng “talunan” at “napanalunan” ang “ulunán” at “paanán.” Ngunit magandang titigang muli ang mga ito at ihambing sa mga anyo niláng “uluhán” at “paahán.” May gámit ang “uluhán” at “paahán” na ibá sa “ulunán” at “paanán.” Ang “uluhán” ay maaaring tumukoy sa anumang paglalaban o paligsahan na ginagamítan ng ulo. Halimbawa, “Uluhán ang labanan sa klase.” Ang ibig sabihin, pagalíngan ng ulo o pataasan ng talino ang kailangan para magtagumpay sa klase. May anyo at bigkas ding “pááhan” at maaaring tumukoy sa paligsahang ginagamítan ng paa. Halimbawa nga’y nangyari na naputulan ng mga kamay ang dalawang mandirigma, ano ang gagawin nilá para ipagpatuloy ang paglalaban? “Nauwi sa uluhán at pááhan ang duwelo.”

Bukod pa, ang “uluhán” at “paahán” ay maaari ding ituring na mga anyong pang-uri. Sa gayon, ang “uluhán” ay maaaring paglalarawan sa isang bagay o nilikha na “malakí ang ulo”; gayundin naman, ang “paahán” ay maaaring isang pang-uri sa “malakí ang paa” o “maraming paa.” Natatandaan kong paborito namin noong paslit kami na makakíta ng gagambang “uluhán” dahil tiyak daw na matapang. Siyempre, tinatawag na “paahán” ang alupihan.

Aberasyon at Di Malî
Ngayon, ang pagtuturing na aberasyon ang “natutúnan” ay hindi nangangahulugang ito ay malî. Marami nang ibáng aberasyong naganap sa ating wika at marami pang ibáng maaaring maganap bunga ng sari-saring sanhi. Ang aberasyon ay aberasyon. Mahalagang malaman ng lahat na ito ay aberasyon. Ang hindi maganda ay ang pagpipilit ng mga Linggwistasero na ito ay tama. Sa lingguwistika, wika nilá, lahat ay tama. Anumang pagbabago sa bigkas ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng mga nagaganap na pagpoposisyon sa dila at ngala-ngala hábang nagbubugá ng hangin sa loob ng bibig.

Sa puntong ito nagkakaibá ang mga nagtuturo ng gramatika at mga editor sa isang panig at ang mga alagad ng descriptive linguistics sa kabilâng panig. May mga tuntuning dapat sundin upang episyente at mabilis maituro ang pagbubuo ng salitâ sa mga estudyante. May preperensiya ang isang editor na ipinasusunod sa mga manunulat kapag may dalawang varayti. Sa gayon, pipilì lagì ng maituturing na “wasto” ang nagtuturo ng gramatika at ang editor kapag may dalawa o mahigit pang pagpipilian. At pipiliin nilá tiyak ang anyo ng salitâ na maaaring ipaloob sa isang pangkalahatang tuntunin. Upang mas madalîng maituro sa mga estudyante sa paaralan at upang mas madalîng masunod ng mga reporter at asistant sa isang publikasyon. Ituturo ng guro at iuutos ng editor ang baybay ng salitâ na may mapagsasaligang tuntunin, alinsunod sa pangkalahatang gramatikang wika—ang tinatawag na “anyong estandardisado” at itinuturing na “wastong anyo”—hindi ang baryasyon o varyant. Sa ganitong paraan, hindi sinasabing “malî” ang varyant ngunit hindi kailangang ituro ng guro o ipasúlat ng editor kung makaaabala lámang sa gawaing pampaaralan o sa mabilisang trabaho sa pasulatan.

[Ang totoo, ang diskusyon hinggil sa kaso ng “natutunan” at ibá pang tulad nitó ay higit sanang makatuturang pag-usapan sa klase sa lingguwistika o sa seminar ng mga eksperto sa wika. Hindi sa malakihang mga kumperensiya, dahil malimit na nauuwi lámang sa debate ng mga guro na hindi gaanong nakahanda para sa gayong paksang nangangailangan ng maingat na saliksik.]

Ano ba ang maaaring sangguniing tuntunin sa pagbuo ng salitâ na may hulaping +NAN? Wala. Ang tanging minemorya ng mga disipulo ng Linggwistasero ay ang paliwanag sa lingguwistika hinggil sa suprasegmental. Na hindi tuntuning panggramatika hinggil sa paggámit ng hulapi, kundi isang pangkalahatang paliwanag hinggil sa pagbabago ng bigkas sa salitâ dahil sa diin, intonasyon, habà, atbp. Kung sakali, ayon sa mga naririnig kong paliwanagan sa mga seminar, sinasaklaw din nitó kung bakit nagbabago ang mga titik sa salitâ—halimbawa, nagiging L ang R o viseversa, nagiging M ang N o viseversa—dahil sa ibá-ibáng nakasanayang pagbigkas ng mga pangkat ng tao.

Ngunit hindi isang tuntunin ang suprasegmental kung bakit ang +HAN ay nagiging +NAN.

Nais ko pang idagdag: Kahit sa mithiing payamanin ang wikang Filipino ay hindi nararapat ang pagpipilit na ipagámit ang “natutúnan.” Yumayaman ba ang wika dahil sa “natutunan”? May naiibá ba itong gampanin kaysa lehitimong “natutúhan” alinsunod sa balarila? Kung wala, isa lámang balakid ang “natutúnan”; isa lámang aksaya ng panahon para mas maituon ang ating pansin at talino tungo sa pagtalakay ng ibá’t higit na kapaki-pakinabang na usaping pangwika.

Problema sa “Kasalánan”
Ngunit malakíng problema ang “kasalánan” at “tawánan (katatawanán).” Mula pa sa bokabularyo nina Noceda at Sanlucar ay ganito na ang anyo ng mga ito. Wala akong nakaengkuwentrong “kasalahan.” Paminsan-minsan, may “tawáhan” ngunit walang “katatawahan.” Ang ibig sabihin, may dalawa táyo ngayong kaso ng paggámit sa anyo ng hulaping +NAN na hindi maituturing na baryasyon lámang ng +HAN.

Ngunit sapat ba ang ganitong dalawang sampol upang ipanukala nga natin na isang lehitimong hulapi ang +NAN?

Sa aking paningin, hindi. Sa katunayan, hindi sapat ang naturang halimbawa, kahit isáma ang “natutúnan,” upang maigawa ng isang malinaw na tuntunin kung kailan ginagámit ang +NAN o kung kailan man lámang nagiging +NAN ang +HAN. Higit na mabuti para sa episyenteng pagtuturo ng panlapi na ituring ang +NAN bílang isang aberasyon, lalo na sapagkat ang paglitaw nitó sa “natutúnan” ay hindi naman nakapagpapabago sa kahulugan ng “natutúhan.”

May ibá pa bang paliwanag?
May pagkakataóng pinaglaruan ko ang hakà na ang +NAN ay bunga ng pagtipil sa magkasunod na +HAN at +AN. Malinaw ang naturang pangyayari sa “katotohanan.” Kapag tinanggap natin ang “tawáhan,” maaari ding palitawin na ang “katatawanan” ay bunga ng naturang pagtitipil sa magkasunod na hulapi at may ganitong banghay /ka+tatawa+han+an/ at kagaya ng nangyari sa “katotohanan.” Ngunit walang naganap na pagtipil sa +HAN at +AN upang maging +(HA)N+AN o maging +NAN sa kaso ng “kunan” mula sa /kuha+an/. Itinuturing ko ring mahirap patunayan na nagkaroon lámang ng pagtitipil ng +HAN at +AN sa kaso ng “kasalánan.” Ngunit bakit hindi maaari? Kung may anyong “pagkakasála,” maaaring may anyo noong “pagkakasaláhan.” Sa gayon, ang mas maikling “kasalánan” ay posibleng bunga rin ng tinipil na +HAN at +AN.

Subalit ang gayong paghakà sa naganap na pagtipil sa “kasalanan” ay hakà ko lámang. Hindi ko rin nais ipilit ang hakà kong ito, dahil wala naman akong interes na palitán ang “kasalanan” ng “kasalahan.”

Dagdag na Hakà at Pagsubok
Isang magandang hakà ang kay Fray Gaspar de San Agustin sa Compendio del arte de la lengua tagala (1703, ginámit ko ang ikatlong edisyong 1878). Pinag-aralan niya ang singkopa at kontraksiyon sa wikang Tagalog at gumawa ng isang listahan ng mga alam na natin ngayong mga kaso ng pagkakaltas, paglilipat, o pagpapalit ng mga titik sa isang salitâ bunga ng tinatawag natin ngayong pagtitipil: damahin=damhin, atipan=aptan, bukasan=buksan, dakipin=dakpin, higitan=higtan, tanim=tamnan, atbp. Nakaengkuwentro din niya ang +NAN ngunit inisip niyang isang uri naman ito ng adisyon. Isinisingit ang titik na N bago ang hulaping +AN at +IN. Sa gayon, itunuturing niya ang /talu(n)an/ bílang pinagmulan ng “talunan” at ang /ka+sála+(n)an/ bílang orihinal na anyo ng “kasalánan.”

Samantala, isang nais kong ipanukalang pagsubok sa gámit ng +NAN ay ang pangyayari na ang hulaping +HAN at +AN ay may mga kapatid na +HIN at +IN. Ang mga salitâng may hulaping +HAN at +AN—halimbawa, pulá+han, tulâ+an,sábi+han, áwit+an, guló+han—ay may anyong nása +HIN at +IN, gaya ng pulá+hin, tulâ+in, sábi+hin, áwit+in, gulo+hin. May anyo bang +NIN ang salitâng nahulapian ng +NAN?

May anyo bang “katotohanin,” “kasalanin,” “tawanin,” “paanin,” “ulunin”? Parang wala. May “talunin” at “panalunin” ngunit higit na marami ang maeengkuwentrong kaso ng “taluhin” at “panaluhin.” Ang “katotohanan” ay may anyong “totohanan” at “totohanin” at maaaring magkaroon ng anyong “katototohan” ngunit wala pang maririnig na “katototonan.” May nagsasabi ding “kakayanin” ngunit marami ang nagsasabing “kákayáhin.” Kapag may pinalalakas ang loob para sa isang mahirap na tungkulin, ang lagìng payo: “Káya mo iyan!” Walang nagsasabing: “Kayanan mo iyan!”

Nagpapakíta ang pangyayaring ito na may higit na pleksibilidad ang hulaping +HAN at +AN kaysa hulaping +NAN. Magtatagal pa, kung sakali, upang makapagpakíta ng gayong salimuot ang +NAN. At samantalang hindi pa dumaratíng ang panahong iyon ay higit na mainam na ituring ang iilang salitâ na nagagamítan ng +NAN na bunga ng isang aberasyong pangwika.

Maaaring may ibá pang hakà hinggil sa ating tinatalakay na problemang hulapi. Napakahalaga ng maingat at masinop na saliksik sa ganitong mga kasong pangwika. Ang ibig kong sabihin, higit na makabubuting balikan ang kasaysayan ng ating wika at ang naging mga pagsusuri sa problema ng mga nagdaang dalubwika. Sa halip na pakinggan agad ang mga mababaw at minadalîng obserbasyon ng mga Linggwistaserong nais lámang palaganapin ang anumang baryasyon sa ngalan ng baryasyon. Kahit na ang mga naturang baryasyon ay nakagugulo lámang sa maayos na pagtuturo ng wika at walang-walang kabuluhan tungo sa pagpapayaman at pagpapalusog ng ating pinalalaganap na Wikang Pambansa.

ctto


Ferndale Homes
15 Setyembre 2015

1 comment:

  1. The titanium bohr model, a 2-channel speaker from the
    This is titanium wedding band sets a blue titanium cerakote modular microtouch titanium trim reviews modular speaker system from the German manufacturer, Kültür Sanat Okulu-Mühl. It offers titanium powder a dual-passenger microphone, a knurled fram titanium oil filter speaker and

    ReplyDelete