WALANG MÉSA ANG bahay-kubo ng ating mga ninuno. Sa halip, may dúlang silá o látok, karaniwang isang parihabang hapag, mababà, kayâ nakasalagmak silá sa sahig kapag kumakain. Ang mésa ay isang muwebles na Español, katulad ng dúlang ang lapad ngunit may apat na paa, hanggang baywang ang taas, at kayâ kailangan ang silyang upuan kapag kumakain.
Hindi itsura lang ang ikinaibá ng mésa sa dúlang. Hindi rin lang ang nadagdag na salitâ sa ating wika. Bahagi ito ng isang reoryentasyon sa paraan ng pagkain na naganap sa loob ng tatlong siglo ng kolonyalismo. Itinurò ng mésa ang pangangailangang nakaupô sa silya hábang kumakain. Mas mainam ba ito sa kalusugan kaysa pagkain nang nakasalagmak sa sahig? Hindi natin inalám. Bagaman marahil higit na maginhawa ang nakaupô sa silya kaysa sahig. [O marahil mas nasánay na táyo ngayong nakaupô sa silya kayâ hindi na makatagal sumalampak sa sahig?] Subalit itinurò din ng mésa ang wastong paggámit ng plato, ng tenedor at kutsara, at kung mayroon, ng serbilyeta. Itinurò din ng mésa ang paghigop ng sabaw sa tása, ang paghiwà sa prito, pagpiraso sa morkon, pagkuha sa kályos, at wastong pagbawas sa ibá pang putahe bukod sa nagisnang sinigang, inihaw, at tuyô.
Sinasabing libo-libong salitâng Español ang napasalin sa mga wikang katutubong nagkaroon ng engkuwentro sa kapangyarihang Español. Isa sa mga pamána ng kolonyalismo. Hindi natutuhan ng mayorya sa mga Indio ang naturang mga salitâ sa pamamagitan ng pormal na edukasyon. Malimit na narinig lang nilá, naranasan, tinandaan, kahit na malî ang pakinig at kahit na malî ang pagkaunawa, at isinalin sa kaniláng mga anak, hanggang makarating sa atin ngayon. Sa ganoong paraan natin namána ang isinaling wikang Europeo na dinalá dito ng kolonyalismo. Ngunit tulad ng mésa, hindi salitâ lang kundi kultura at kaalámang Europeo ang isinalin sa mga wikang katutubo ng Filipinas. Bawat salitâng Español sa ating dilà ngayon ay isang piraso ng búhay, pamumuhay, at kasaysayan sa Europa, isang piraso ng sibilisasyong bagaman maaaring hindi natin ganap na naiintindihan ay lumukob at umapekto sa ating kamaláyan at sariling kasaysayan.
Hindi ito isang di-sinasadyang pangyayári. Sinadya ng mga Español ang pagsákop sa Filipinas, at alám nilá na nakatakdang maganap ang naturang pagsasalin. Hindi man nilá pinilit ang mga Indio na mag-aral ng wikang Español, sapilitang kailangang makinig at unawain ng Indio ang sinasabi ng fraile o sundalong Español upang hindi mapagalitan o maparusahan. Hindi man sinikil ang katutubong wika, paglipas ng mahabàng panahon, nakatakdang malímot ng Indio ang sariling bokabularyo dahil kailangang higit niyang memoryahin ang bawat pahayag ng panginoong mananákop. Sa gayong pangyayári, malimit na ang pag-unlad ng sariling wika ay dulot lámang ng hiniram o isinalin mula sa wika ng pananákop.
Ang paghiram o pagsasalin ay hindi rin isang paglalarô. Posibleng may mga masayáng anekdota tungkol sa aksidenteng pagkalikha ng isang salitâ mula sa nagkakabit na katutubo at banyaga. Posibleng may mga distorsiyon sa pagsasalin dahil sa di-wastong bigkas o naligaw na pantig. Subalit sa pangkalahatan, idinagdag ng Indio sa kaniyang wika ang natutuhang mga salitâng banyaga dahil kailangan niya para mabúhay sa loob ng kaayusang kolonyal.
Ano kayâ’t sapilitang pinalaganap ng mga kolonyalista ang wikang Español sa Filipinas? Nagkaroon kayâ ng rebelyong pangwika, na tulad ng pag-aalsa nina Tamblot laban sa sapilitang pagkakalat ng Kristiyanismo? O mas minahal sana ng Indio ang kolonyalismong Español dahil sa karunungang matatamasa mula sa banyagang wika?
Mahirap manghulà. Posibleng may lumitaw na Tamblot at ibulgar ang edukasyon sa wikang Español bílang isang pakanâ para sakupin ang ísip ng Indio. Posible namang magkampanya pa ang mga kabataang Indio, tulad ng mga estudyante sa Fili, para paghusayin ang pagtuturò ng wikang banyaga. Posible ring maniwala ang Indio, gaya ng mga pensiyonadong pinag-aral sa United States, na kailangan ang wika ng mananákop para makaahon sa kamangmangan.
Subalit may mananákop bang buong pusòng maghahangad ng kaligtasan at kaunlaran ng sinákop?
Isang siglo na táyong nagtitiwala sa mapagpalàng “benevolent assimilation” ng mga Americano. Mas maunlad kayâ táyo ngayon kung hindi nagtiwala sa pangako ni McKinley at sa pangarap niyang Ingles ang maging wika ng buong Kapuluan?
Tingnan ninyo, paano pumasok sa wika natin ang table? Itinurò sa paaralan na Ingles ang wika ng pagtuturò. Ngunit ang unang popular na gámit nitó ay di singkahulugan ng mésa. Ginámit ito ng mga ginoong mahilig maggudtaym sa kabaret at sa anyong pandiwa: “Magteybol ka,” alok sa kanilá. Ang ibig sabihin, bumayad ng isang hostes para aliwin silá. Uupô silá sa paligid ng isang munting mesa, kasáma ang hostes na may tungkuling magiliw siláng kausapin hábang umiinom at kumakain, at hábang may pera siláng panggastos sa magdamag.
Dalá ng mga Americano ang teybol kasáma ng kabaret, hostes, wiski, at jazz. Maraming Pinoy ang hindi nakalagpas sa teybol na ito. Sana man lang nakapasá sa multiplication table. Ni hindi nga mareispel: “multiplikeysiyon teybol”? Mabuti pa ang operating table, kahit napakamahal, may salin sa—“hapag-tistisan.” Kontento na táyo sa balbal na pulis, istambay, bulakbol, resbak, korap, at bossing. Gaano nga ba kataas ang karunungang Americano na naisalin sa atin ng Ingles?
Ferndale Homes
28 Mayo 2021
No comments:
Post a Comment