Thursday, June 17, 2021

BATAYANG PAGSASALIN (Ilang Patnubay at Babasahín para sa Baguhan) ni VIRGILIO S. ALMARIO

ANG IBIG KONG SABIHIN

Bago mapagkamalan, nais kong ipagpauna na ang librong ito ay inihanda kong panimulang patnubay para sa mga baguhang tagasalin at nauukol lámang sa mga batayang aralin sa pagsasalin. Layunin kong maipakilála sa tagasalin o nagnanais maging tagasalin ang pundamental na gawain at kaakibat na tungkulin ng pagsasalin. Panimula lámang ito at kayâ huwag hanapan ng komprehensibo at malalimang talakay ang bawat púnto o aralin. Dahil hinggil sa batayang pagsasalin, wala din itong hangaring pumalaot sa diskusyong teoretiko at magkomentaryo sa sari-saring hakà at metodolohiya ng mga pangunahing eksperto sa mundo. Kung may mabanggit mang teorya, iyon ay dahil hinihingi ng pagkakataón at hindi maiiwasan. 




Sa pamamagitan ng panimulang patnubay na ito ay dapat makilála ng nagnanais maging tagasalin na isang mabigat na trabaho ito at nangangailangan ng di-karaniwang pagsasanay—una, sa dalawang wikang gagamitin niya sa pagsasalin, at ikalawa, sa mga paraan ng pagharap at paglutas sa karaniwang mga suliranin ng paglilipat ng kaisipan, kaalaman, at laro-sa-salita mula sa orihinal túngo sa pinagsasalinang wika. Isa rin itong kagálang-gálang na trabaho at tinutupad nang may kaukulang paggálang sa isinasaling awtor. Sa katunayan, upang hindi masáyang ang trabaho, higit na dapat isinasaalang-alang ng tagasalin ang pangangailangan ng kaniyang panahon at lipunan sa pagpilì ng akdang isasalin. Upang makatulong pa siya sa isang adhikang pang-edukasyon o isang pambansang adyenda sa pagsasalin kung mayroon, sa halip na pairalin lámang ang kaniyang pansariling hilig at panlasa.

Nabanggit ko ang nása unaháng talata dahil sa nakikíta kong napakahalagang papel ngayon ng pagsasalin para sa pambansang kaunlaran. Binubuo ang Filipinas ng isang arkipelago na may mahigit 130 katutubong wika. May nagtatagumpay nang pagsisikap na bigkisin ang kapuluan sa pamamagitan ng isang wikang pambansang Filipino. Subalit kahit sa pagpapayaman lámang ng wikang Filipino ay kailangang isalin sa naturang Wikang Pambansa ang panitikan at karunungang taglay ng mga katutubong wika. Itinatadhana din ng batas na pangalagaan ang mga katutubong wika kayâ nararapat na pagsalinan ang mga ito ng kailangang impormasyon at kaalamang mula sa Filipino at ibang wikang pandaigdig.



Dahil dito, kailangan ang isang pambansang adyenda sa pagsasalin. Upang maging sistematiko ang buong gawaing ito sa antas pambansa, mabilis at matipid, at makapaglahok ng lahat ng kailangang talino. Kahit wala pa ang naturang pambansang adyenda, napakainam na isaisip ito ng isang nagnanais maging tagasalin upang maging makabuluhang ambag sa nabanggit na adhikang nasyonal ang kaniyang unang hakbang sa gawaing ito.

Magsimula sa Batayan

May apat na sanaysay [o maituturing na kabanata] ang librong ito. Sinulat ko itong tíla magkakaugnay na sanaysay o kabanata ngunit sa paraang maaaring ituring na nakapagsasarili ang bawat isa. Ang ibig sabihin, may tinatalakay na isang kompletong aspekto ng pagsasalin ang bawat isa, bagaman nagkakaisa ang mga sanaysay sa adhikang magdulot ng batayang impormasyon hinggil sa pagsasalin. Ang nagsasariling katangian naman ng bawat isa ang tiyak na sanhi ng pag-uulit ng mga batayang leksiyon sa pagsasalin o ng pag-uulit ng aking mga pangunahing opinyon hinggil sa mga problema ng pagsasalin. Kailangan ko rin namang ulit-ulitin ang sa palagay ko’y mga batayang leksiyon at dapat pagsimulan ng mga baguhang tagasalin.


Ang una sa mga sanaysay ay isang pangkalahatang introduksiyon sa gampaning pagsasalin at naglilinaw sa pag-uuri ko ng salin bílang imitasyon at bílang reproduksiyon. Sinikap kong ipakò ang paglalahad sa naturang paksa upang maiwasan ang malimit na akademiko at teoretikong introduksiyon sa proseso ng pagsasalin. Sa aking pansariling pakikinig sa mga talakayan at seminar sa pagsasalin, ang mababaw at paimbabaw na pag-uusap sa naging mga teoretikong paglilinaw, halimbawa’y sa konsepto ng “pagtutumbas,” ay malimit na magwakas sa higit na kalituhan ng nakikinig na baguhan. Hindi ko pa isinasali sa punang ito ang higit na mabigat na puna sa naririnig kong pagdudunong-dunungan ng mga propesor mulang akademya na sa wari ko’y nag-aadhikang gawing kasingmistikal ng kumbersiyon ng tinapay at alak sa komunyon ang isang praktikal na gawain.

Ang ikalawa at ikatlo ay kapuwa hinggil sa pagsasaling pampanitikan. Nakaukol sa salimuot ng pagsasalin ng tula ang ikalawa, samantalang tinatalakay ng ikatlo ang pagsasalin sa tuluyan. Hindi kompleto at detalyado ang paglalahad. Ngunit sinikap kong ipaloob ang mga batayang trabaho ng tagasalin túngo sa ganap na pag-unawa sa orihinal na akda upang mapalitaw din niyang “pampanitikan” ang kaniyang salin.

Ang limitado kong talakay sa mga sangkap na “pampanitikan” ay itinuturing ko ring epekto ng limitado pang paraan ng pagsusuri sa pagsasalin sa Filipinas. Halos walang maituturing na kritisismo ngayong nauukol sa pagsasalin, gaya ng pangyayaring walang nag-uukol ng seryosong pansin sa napakalaking pangangailangan sa pagsasalin sa ating bansa. Hindi ko alam kung kaso ito ng itlog-manok. Ngunit hinihingi ng panahon na magukol ng seksiyon para sa gawaing ito ang mga peryodiko’t magasing popular, at lalo na ang mga akademikong jornal. Napakalaking tulong ang intelihente’t masinsinang pagsuri sa mga salin túngo sa inaasam nating paglusog ng pambansang pagsasalin.

Kaugnay nitó, ang ginawa kong pahambing na talakay sa mga salin ng isang akda ay may layuning itanghal ang kabuluhan ng pagsusuring pampanitikan. Ang ibig kong sabihin, ang pamantayan sa pagsusuring pampanitikan ay makabuluhang instrumento upang tukuyin ang ginampanang pagsasaling pampanitikan ng isang salin.

Ibig kong samantalahin ang pagkakataón upang tukuyin ang malaking guwang sa teorya at praktika ng pagsasalin na idinudulot ng nabanggit kong kawalan ng panunuri sa kasaysayan at sa mga isinagawa nang pagsasalin. Isang malaking guwang ang malaking pagbabago sa panitikang popular sa bungad ng ika-19 siglo dahil sa paglaganap ng tinatawag na babasahíng awit at korido at teatrong komedya. Mga salin ang mga ito, o kung nais maging tiyak, mga halaw at hango. Ngunit sino ang gumawa ng seryong pag-aaral sa mga ito bílang isang makabuluhang yugto sa kasaysayan ng pagsasalin sa Filipinas? Isa pang magandang tagpo ang mga proyektong pagsasalin ni Rizal. Dahil halimbawa sa kaniyang salin ng Wilhelm Tell ni Schiller ay nakalikha siya ng mga korespondensiya na nagsisimula ng talakay sa teorya ng pagsasalin at ng diyalogo hinggil dito nina Ferdinand Blumentritt at Paciano Mercado Rizal. Dapat ding balikan ang praktika ng pagkasalin nina Plaridel at Bonifacio sa “El amor patrio” upang hanguan ng mga leksiyon sa pagsasalin. Sa katunayan, maaaring magpaliwanag ang mga ito sa naging moda ng pagsasalin sa ika-20 siglo at hanggang sa kasalukuyan. Makahahalina din ito sa ating mga kritiko/guro na saliksikin ang ating sariling karanasan sa halip na sumagap lámang ng mga teorya mula sa mga idolong banyaga.

Ang ikaapat na sanaysay ay isang panimulang diskusyon sa pagsasaling teknikal at sa naiibang mga kahingian ng gawaing ito. Kung tutuusin, noon pa gumagawa ng pagsasaling teknikal ngunit ngayon lámang binibigyan ng isang bukod na paliwanag upang maipakilálang naiiba sa pagsasaling pampanitikan. Naniniwala pa rin akong magkatulad ng adhika ang dalawa. O kayâ, tulad ng aking paglalahad, may gampaning teknikal sa loob ng isang pagsasaling pampanitikan. Gayundin naman, may mga pangangailangang pampanitikan sa loob ng isang pagsasaling teknikal. Gayunman, dahil sa higit na malaking pangangailangan ngayon sa iba’t ibang tekstong teknikal, napapanahon ang bukod na paglilinaw sa naiibang layunin at gampanin ng pagsasaling teknikal. [Nais kong isingit dito ang malaking pasasalamat sa tulong nina Minda Limbo, Grace Bengco, John Torralba, Eilene Narvaez, Cecile Lapitan, at Kriscell Labor para sa pagsasaayos ng mga halimbawang salin at ibang trabahong teknikal.]

May dagdag na apendiks ang libro upang makatulong pa sa gagamit. Nása apendiks ang tinalakay na mga salin ng tula ni Rizal at magandang titigan pa ng mga interesadong tagasalin upang ipagpatuloy ang binuksan kong kritika sa ilang bahagi ng mga ito. Bakâ may iba pa siláng maidagdag na pansin sa mga saknong na hindi ko na pinaghambing. Bukod pa, maaari pa niláng patunayan kung maaaring gamitíng patnubay sa ibang mga saknong ang isinagawa kong pagsuri sa ilang bahagi ng mga saling patula. At bukod pa, maaari nilá itong gamitíng sandigan túngo sa paglikha ng kanilang mga sariling pagtatangkang isalin si Rizal.

Pansinin din na naging malaking gámit kong halimbawa ang naging pagsasalin kay Rizal. Una, dahil nagkataóng isa ako sa naging masugid na tagasalin ng mga tula at mga nobela ni Rizal, at sa katotohanan, una kong sinulat bílang panayam hinggil kay Rizal ang dalawa sa mga kabanata sa librong ito. Ikalawa, praktikal gamítin ang pagsasalin kay Rizal dahil mistula itong “pambansang adhika” magmula noong panahon ni Bonifacio at hanggang sa kasalukuyan. Nagpapaligsahan ang mga makata—sa Tagalog man o sa ibang mga wika—sa pagsasalin ng “Último adiós” at makapupulot sa mga naging salin ng mga ginamit na estratehiya upang matumbasan ang henyo ni Rizal. Kung isasaling problematika sa pagsasalin, nais kong kaagad ipanukala na may partikularidad ang naging pagsasalin kay Rizal na wala sa nagaganap na pagsasalin mula sa banyagang wika túngo sa wikang katutubo. Banyaga ang wika sa pagsulat ni Rizal ngunit Filipino si Rizal. Paano kayâ susukatin ang posibleng domestikasyon at/o pagsasabanyaga, alinsunod sa pamantayan ni Lawrence Venuti, sa teksto ni Rizal? 

Bágong-Húlog

Huwag namang mabibigla sa aking ilang kapangahasan. Halimbawa, ang imbento kong “bágonghúlog” para sa isang uri ng paglikha ng salita. Sa akin paliwanag, ibig kong tukuyin dito ang pagdukal sa bodega ng wika at pagpilì ng isang salita upang bigyan ng bagong kahulugan. Malimit itong mangyari, kahit sa nauso ngayong gámit ng “húgot” sa hanay ng mga artista’t manganganta. Hindi ko naman nais tawagin itong recycling dahil hindi naman basura ang salita na muling binibigyan ng gamit. Wala akong maapuhap na katapat sa Ingles. 

Sa naturang neolohismo, ibig ko ring ituon ang pansin sa ugat ng “kahulugán” at siyang púnto ng mga gawaing pangwika. Kung hindi ninyo napapansin, ang orihinal na ibig sabihin ng “húlog” ay ihagis paibabâ ang isang bagay. Ihagis para sirain ito. Masamâ ang ibig sabihin. Ngayon, bakit nagmula ang “kahulugán” natin sa lingguwistika sa “húlog”? Malaki ang posibilidad na kinuha natin ang gámit panlingguwistika sa “húlog” ng mga karpintero. Kasangkapan itong may bolang bakal na may tulis at nakaugnay sa isang mahabàng pisi. Inihuhulog ito mula sa itaas upang masipat kung tuwid ang pagkakatayô ng haligi at anumang katulad na bahagi ng konstruksiyon. Ginagamit din noon ng mga sastre ang salita upang ilarawan ang mahusay na liston ng pantalon.

Marami ring “salin” o “halaw” ng mga nobela ni Rizal at isang magandang pagkakataón upang “ihulog” ang aking pagtalakay hinggil sa etika o moralidad sa pagsasalin, at upang maidiin ang responsabilidad ng pagsasalin at ang posibleng masamâng epekto ng komersiyalismo sa pagtuturo ng Rizal sa partikular at sa pambansang edukasyon sa kalahatan. Ang kasong ito ay isang malaking isyu sa pagsasalin. Malimit na ipinapataw ang bigat ng “kasalanan” sa nagpapasalin—sa pabliser o sa korporasyon o sa partidong pampolitika (sa gobyerno)— ngunit dapat ding ipagunitang malaking tungkulin ito ng sinumang nagnanais maigálang na tagasalin. Sa dulo, hindi ito “trabaho lang.” Isa itong maselan at mabigat na trabaho para sa anumang dapat isulong na karunungan at katotohanan sa mundo.

Uulitin ko, isang tulong sa preparasyong pangedukasyon ng nagnanais maging tagasalin ang aklat na ito. Na ang kahulugan para sa sinumang babásang tagasalin ay humanap pa ng mga dagdag na aklat at babasahín upang higit na mapatalas ang sariling talino. Hindi ito Bibliya. Napakarami pang dapat basáhin at saliksikin upang maging tunay na dalubhasang tagasalin. Ang tinatawag ngayong aralin sa pagsasalin (translation studies) ay isang malawak na bukirin at patuloy na nililinang dahil sa matindi at patuloy na lumalaking pangangailangan sa pagsasalin sa buong mundo. 

Buksan mo, Tagasalin, ang aklat na ito at sumanib sa matamis na pintig ng daigdig. 

VIRGILIO S. ALMARIO 
Ferndale Homes 
29 Disyembre 2015 
  




No comments:

Post a Comment