(M)ay dalawa lámang (paraan sa pagsasalin). Maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang awtor, hanggang posible, at pakilusin ang mambabasá túngo sa kaniya; o maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang mambabasá, hanggang posible, at pakilusin ang awtor túngo sa kaniya.
–FRIEDRICH SCHLEIERMACHER (1813)
Ang pagsasalin ay iniaayon sa mga salita kapag ito’y mauunawaan, at ginagawang malaya naman kapag iyon ay may kalabuan datapua’t hindi lumalayo kailanman sa kahulugan.
– PACIANO MERCADO RIZAL (1886)
Tulad ng gawaing pampanitikan, wika ang pangunahing kasangkapan sa pagsasalin. Sa isang pagtanaw, mas mahirap pa ito kaysa gawaing pampanitikan, dahil dalawang wika ang dapat pagpakadalubhasaan ng tagasalin sa ordinaryong sitwasyon. Kailangang dalubhasa siya sa Simulaang Lengguwahe (SL) o ang wika ng isinasaling akda, at ng Tunguhang Lengguwahe (TL) o ang wikang pinagsasalinan ng akda. Wika nga ni John Dryden para sa sinumang nais magsalin ng tula, kailangang “bukod sa isang henyo sa naturang sining ay (kailangang) dalubhasa kapuwa sa wika ng kaniyang awtor at sa kaniyang sarili. Hindi rin kailangang nauunawaan lámang natin ang wika ng makata kundi maging ang kaniyang natatanging takbo ng isip at paraan ng pagpapahayag, na mga katangiang ikinabubukod at sa ganoong paraan ay ikinaiiba niya sa lahat ng ibang manunulat. Kapag isinaalang-alang natin ito, kailangang isaloob natin na ibagay ang ating henyo sa kaniya, na idulot ang takbo ng kaniyang isip alinsunod sa kaniyang takbo ng isip, at kung ipahihintulot ng ating dila, o kung hindi man, bahagyang ibahin ngunit hindi ang kasuotan, at lalo nang hindi iibahin o sisirain ang sustansiya.”
Bílang alagad ng Wikang Pambansa ay malimit kong makaengkuwentro ang isang pangunahing problema sa pagsasalin. Lalapit ang isang reporter at magtatanong: “Ano ba ang journalism sa Filipino?” Sa mga seminar, laging itinatanong ng mga titser: “Wasto bang itawag ang ‘punong-guro’ sa prinsipal?” At durugtungan pa ng: “Alin po ang tamang baybay? ‘Punong-guro,’ ‘punongguro,’ o ‘punungguro’?” Isang mambabatas ang mag-uusisa: “Bakit walang katumbas sa Filipino ang jus sanguinis?” Medyo nantetesting na idudulog naman ng estudyante: “Kelan po ba mainam gamítin ang ‘metamorposis’ at kelan ang ‘banyuhay’?”
Kung tutuusin, pinatutunayan ng mga binanggit kong engkuwentro ang katotohanan ng sinabi ni Roman Jakobson na hinaharap natin araw-araw sa iba’t ibang okasyon ang pagsasalin. Nakatanghal din sa mga pinilì kong sitwasyon ang salimuot ng mga dapat isaalang-alang sa pagsasalin. Ngunit nais ko ring ituon ang ating pansin sa matanda’t pangunahing problema ng tagasalin— ang paghahanap ng wasto at angkop na pantumbas sa isinasaling salita. Malimit na ipinangangaral na kailangang “matapat” ang salin. Sa sukdulan, ang tinutukoy ng naturang aral ay literal na tumbásan ng salita-sa-salita ng SL at ng TL. Sa kabilâng bandá, malimit naman nating marinig na “imposibleng maging siyento porsiyentong matapat” dahil sa simpleng pangyayari na walang dalawang wika sa mundo na magkatulad. Pero bakit idinidiin noon pang panahon ni John Dryden ang pagiging matapat ng salin sa orihinal? Kung babalikan ang kasaysayan, may dalawang ugat na Kanluranin ang mahigpit na panghihingi ng katapatan sa pagsasalin.
Una, ang “lunggating Dryden” na nakasalig sa paniwalang may superyor at may imperyor na wika, alinsunod sa antas ng sibilisasyon at kapangyarihang pampolitika ng lipunan. Kaugnay nitó ang pangyayaring isinasalin ang isang akdang nása superyor na wika dahil kailangang matutuhan ng imperyor na lipunan. Sa pagsasalin, sa gayon, ay nagiging pamantayan na ang wikang pansalin ay kapantay ng wikang isinasalin. Ikalawa, ang iniatas na paghihigpit sa interpretasyon ng “teksto ng pananampalataya.” Ang Bibliya ay “Salita ng Diyos,” sagrado, at kayâ kailangang napakaingat ang pagsasalin upang hindi mámalî ng interpretasyon. May isang mahabàng panahon na Latin lámang ang wika ng Simbahang Katolika at kayâ bawal isalin sa ibang wika ang Bibliya. Kapuwa may malakas na epekto ito sa ating kasaysayan ng pagsasalin dahil sa pinagdaanan nating matagal na panahon ng kolonyalismo at dahil sa malaking bahagi ng nakaraang gawaing pampagsasalin ay nása ilalim ng pangangasiwa ng Simbahang Katolika.
Subalit balikan muna natin si John Dryden. Sa totoo lang, hindi makatarungan ang pagpapangalan ko sa kaniya ng “lunggating Dryden.” Sa kaniyang introduksiyon sa salin niya kay Ovid noong 1680 ay mapapansin ang kaniyang di-karaniwang kaalaman hinggil sa pagsasalin at sa mga kahingian ng naturang sining. Inuri niya ang paraan ng pagsasalin sa tatlo. Una, ang “metaprase,” o ang wika nga niya’y literal na paglilipat sa isang awtor nang salitasa-salita at linya-sa-linya túngo sa ibang wika. Ikalawa, ang “paraprase” o pagsasalin sa kahulugan ng sinabi ng awtor ngunit sa paraang nababago at nadadagdagan ang kaniyang wika. Ikatlo, ang “imitasyon” o ganap na kalayaang lumihis sa salita at kahulugan ng awtor kayâ nagdudulot lámang ng pangkalahatang pahiwatig mula sa orihinal. Alam niyang imposible ang una, ang metaprase, dahil may higpit ang gámit ng Latin na mahirap ipahayag sa “mga makabagong dila.” Ngunit ayaw naman niya ang ikalawa at ikatlo. Ayaw niya dahil maluwag ang paraprase; peke naman ang tingin niya sa imitasyon. Nais niya sa gayong lumikha ng salin na nása gitna ng metaprase at ng paraprase. At sa kabilâ ng sinasabi niyang mga limitasyon ng makabagong wikang gaya ng Ingles upang maitapat sa kapangyarihan ng antigong Griego at Latin, malakas pa rin ang hangarin niyang maisa-Ingles ang kagandahan ng akda sa Griego o Latin. Sa sariling salita, lunggati niyang “pagsalitain si Vergil sa Ingles na tulad ng pagsasalita niya kung ipinanganak siya sa England at sa ating panahon.”
Nagiging isang sikolohikong obligasyon ang “lunggating Dryden” kaugnay ng ating bagaheng pampolitika at tinatawag na “kaisipang kolonyal” bílang dáting sákop ng España. Para sa ating mga unang edukado’t tagasalin hanggang bungad ng ika-20 siglo, sinasagisag ng Español (at kahit ng Ingles) ang isang wikang superyor (ang Latin sa tingin noon ni Dryden) dahil tagapagdalá ng higit na mataas na sibilisasyon. Anupa’t naging adhika ng mga edukado natin ang palagiang paghahanap ng pantumbas, ng equivalence, sa wikang katutubo kaakibat ng paghahangad na maiangat ang kapasidad ng wikang katutubo bílang wika ng karunungan. Sa katunayan, may panahong naging adhika ng mga alagad ng Wikang Pambansa na ihanap ng katumbas kahit ang mga terminolohiyang teknikal at siyentipiko—mula sa Balarila hanggang sa Maugnayin—kayâ naakusahan ng “purismo” ang tagapagpalaganap na Surian ng Wikang Pambansa (SWP) noong dekada 60.
Mga Layunin sa Pagsasalin
Siyempre, may kasalungat na saloobin ang pagsasalin. Halimbawa, ang pananaw naman mula sa isang tagasaling may ipinalalagay na superyor na kultura kaysa wika ng isinasalin. Sabi nga noon ni Cicero sa kaniyang pagsasalin ng akdang Griego, isinasalin niya ang mga idea at ang mga porma ng orihinal na Griego ngunit “isinasalin (niya) sa isang wika (Romano) na nakatugma sa ating mga kumbensiyon ng paggamit” (verbis ad nostram consuetudinem aptis). Pinaiiral ni Cicero ang “pribilehiyong imperyalista” ng wika ng makapangyarihang bansa upang samsamin kung bagá ang anumang yaman ng akdang nása wika ng sákop na bansa. Sa ganitong paraan, malaya ang tagasalin na pumilì ng ipinalalagay niyang angkop na paraan ng pagsasalin nang hindi isinasaalang-alang ang maaaring nasikil o nawala mula sa orihinal.
Malimit nasisipi ang sumusunod na simulain sa pagsasalin: (1) Dapat na ganap na nauunawaan ng tagasalin ang kahulugan at ang ibig sabihin ng orihinal na awtor; (2) dapat na may ganap siyang kaalaman kapuwa sa SL at sa TL; (3) dapat na umiwas siya sa mga tumbasang salita-sasalita; (4) dapat na gumamit siya ng anyo ng salita na alam ng nakararami sa TL; at (5) dapat na malapatan niya ng angkop na himig ang himig ng orihinal.
Subalit sa likod ng bawat leksiyon sa pagsasalin ay naroon ang nabuksan kong sigalot. Ang buong kasaysayan ng pagsasalin sa Kanluran ay maituturing na isang walang humpay na rekonsiderasyon at repormulasyon sa “lunggating Dryden” at sa “pribilehiyong imperyalista” ni Cicero. Dahil na rin sa tinatanggap na mga hanggahang pangwika, ang tagasalin ay laging naninimbang sa mga limitasyong pangwika, kalakip ang mga salimuot na itinatanghal ng orihinal, at sa mga tungkuling kusa niyang iniaatang sa kaniyang balikat.
Sa ganito naging mabigat na problematika ang tanong na: Nasaan ba ang ideal na pagitan sa metaprase at sa paraprase ni Dryden? Maraming sagot ang mga teoritisyan. Sa tingin ko at upang makaiwas sa mga debate, ang higit na dapat inuusisa ay: Gaano ba dapat katapat ang pagsasalin? At dito kailangang linawin ang layunin o mga layunin sa pagsasalin. Ano ba ang tungkuling nais gampanan ng tagasalin? Kung magsasalin ka, nais mo bang gayahin ang orihinal? O nais mong gamítin ang orihinal sa isang paraang iba sa orihinal, ngunit ipinalalagay mong kailangan ng iyong target na mambabasá, lipunan, at panahon?
Noong 1813, nilinaw ni Friedrich Schleiermacher sa isang lektura na dalawa ang paraang maaaring gamítin ng tagasalin. “Maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang awtor, hanggang posible, at pakilusin ang mambabasá túngo sa kaniya; o maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang mambabasá, hanggang posible, at pakilusin ang awtor túngo sa kaniya.” Ayon sa layunin, maaaring basahin ang pag-uri ni Schleiermacher na (1) pagsisikap manatili ang wika at kahulugan ng awtor, o (2) pagsisikap na ilipat ang kahulugan ng awtor sa wika at kultura ng mambabasá.
Mula dito at sa aking palagay, dalawa ang maituturing na pangkalahatang layunin sa pagsasalin: imitasyon at reproduksiyon.
Imitasyon o panggagaya ang tawag ko sa gawaing sumasaklaw sa paghahanap ng katumbas na salita para sa SL hanggang sa pagsisikap na gayahin ang anyo at himig ng orihinal na akda. Naiiba ang imitasyon ko sa “imitasyon” ni Dryden. Hindi ito paggawa ng huwad; sa halip, nangangahulugan ito ng pagsisikap matularan ang isang huwaran, at kung sakali’y higit na malapit sa hakà ni Plato hinggil sa paglikha mula sa pagpangitain ng isang Ideal. May napakalakas na layuning maging matapat ang imitasyon sa orihinal.
Reproduksiyon o muling-pagbuo ang layuning higit na tumutupad sa inaakalang interes o pangangailangan ng lipunan at panahon ng tagasalin. Nagbibigay ito ng kalayaan at pleksibilidad sa proseso ng pagsasalin. Maaari itong mangahulugan ng pagsasapanahon. Sa gayon, maaari itong umabot sa paglalapat ng wikang higit na naiintindihan ng mambabasá ng salin. Maaari itong mangahulugan ng paglilipat ng orihinal túngo sa isang anyong ipinalalagay na mas ninanais basahin ng madla. Bílang adaptasyon, maaari itong salin ng anyong pampanitikan ng orihinal túngo sa ibang anyong pampanitikan hanggang sa isang pinahabàng paglilinaw sa anyo’t nilalaman ng orihinal. Maraming sinaunang akda ang nagkaroon ng bagongbúhay dahil sa reproduksiyon ng mga ito túngo sa anyo at wikang uso o moda sa target na lipunan.
Magandang halimbawa sa naturang mga layunin ang naging mga transpormasyon ng sanaysay ni Rizal sa wikang Español na “El amor patrio” na nalathala sa Diariong Tagalog noong 1882. Nalathala din at kasabay ng sanaysay ni Rizal ang salin sa Tagalog ni Marcelo H. del Pilar na “Pagibig sa Tinubuang Lupa.” Imitasyon ng “El amor patrio” ni Rizal ang “Pagibig sa Tinubuang Lupa” ni M.H. del Pilar. Si M. H. del Pilar ang editor ng Diariong Tagalog at tiyak na ninais niyang isalin ang artikulo ni Rizal upang mábása ito at pakinabangan ng mga sumusubaybay sa naturang peryodikong propagandista at hindi gaanong bihasa sa Español. Noong 2012, ginawan ko ng pahambing na pagsusuri ang sanaysay ni Rizal at ang salin ni M.H. del Pilar sa aklat kong Ang Pag-ibig sa Bayan ni Andres Bonifacio (UST Publishing House) at nilinaw ko doon ang halaga ng ginawa ni M.H. del Pilar:
Ang tungkulin ng pagsasalin bílang kasangkapan sa pananakop ang malinaw na sinasalungat ng pagsasalin nina Marcelo H. del Pilar at Andres Bonifacio sa “El amor patrio” ni Jose Rizal. Ang salin ni M.H. del Pilar ang unang limbag na pagsisikap upang maipabása sa madlang hindi marunong ng Español ang isang makabayang akda. [Hanggang sa pagsulat ko nitó, hanggang noong 1882 ay pawang akdang nakasulat sa Español ang dokumentong limbag na mga usig at salungat laban sa simbahan at pamahalaang Español at hindi maituturing na makabayan.] Ang patulang salin naman ni Bonifacio ang dagdag na pagakit sa madlang higit noong mahilig makinig/ bumása sa pahayag na patulad.
Nabanggit ko na sa sipi ang pagsasaling ginawa ni Andres Bonifacio sa sanaysay ni Rizal. Reproduksiyon naman ng sanaysay ni Rizal ang tulang “Pagibig sa Tinubuang Bayan” ni Bonifacio. Ang sanaysay ay isinalin sa anyong tula, hindi lámang dahil isang makata si Bonifacio kundi higit na dahil tula ang higit na kinahihiligang anyo ng pahayag pampanitikan ng madla noong ika-19 siglo. Kayâ popular noong babasahín ang tulang pasalaysay na awit at korido at ang patulang pagtatanghal na komedya. Pinilì pa ni Bonifacio ang anyo ng saknong ng awit na ginamit ng dinadakila noong si Balagtas sa Florante at Laura. Wala namang impormasyon kung kailan sinulat ni Bonifacio ang kaniyang tula. Ngunit tiyak na pagkaraang mabása ang “El amor patrio” ni Rizal. Ngunit kailan? Noong ilabas ba ito ni M.H. del Pilar sa Diariong Tagalog noong 1882? O noong ipalathala itong muli ni Rizal sa La Solidaridad noong 31 Oktubre 1890? Alinmang petsa sa pagitan ng 1882 at 1890, ang mahalaga ngayon ay naapektuhan si Bonifacio ng sanaysay ni Rizal at sinikap niyang muling ipahayag ito sa ibang anyo ngunit sa paraang mabisàng naipaloob ang nilalaman at sentimyento ng orihinal. Sa katunayan, higit pang natatandaan ngayon ng marami ang tula ni Bonifacio kaysa sanaysay ni Rizal lalo na ang madamdaming retorika ng unang saknong:
Aling pag-ibig pa ang hihigit kayâ Sa pagkadalisay at pagkadakila Gaya ng pag-ibig sa tinub’ang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Mga Hakbang sa Aktuwal na Pagsasalin
Imitasyon man o reproduksiyon, ang talagang unang-unang problema sa aktuwal na pagsasalin ay ang paghahanap ng salita na pantumbas sa isinasaling salita. Ang gawaing ito ay malimit na depende sa tagasalin—sa kaniyang layunin—na depende rin sa kaniyang kaalamang pangwika, sa ninanais niyang epektong pampanitikan, sa kaniyang paboritong salita, sa kaniyang mood hábang nagsasalin [na malimit nagbubunga ng inkonsistensi], atbp.
Sa pangkalahatan at gawaing salita-sa-salita, gumagawa siya ng (1) pagtutumbas, (2) panghihiram, (3) paglikha. Huwag isipin na magkakasunod ang hanay ng mga naturang hakbang alinsunod sa aking pagbilang. Walang priyoridad sa tatlo. Maaaring unahin ng tagasalin ang pangatlo o ang pangalawa. Depende sa kaniyang deskarte o sa ipinalalagay niyang higit na angkop gamítin.
Alinsunod sa bagong patakaran ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang pagtutumbas ay may dalawang yugto. Una, ang paghahanap ng pantumbas na salita mula sa kasalukuyang korpus ng wikang Filipino. Ikalawa, ang pagtuklas ng pantumbas mula sa ibang katutubong wika ng Filipinas. Bahagi ang ikalawang yugto ng adhika ng KWF na higit at aktibong ilahok ang mga wikang katutubo ng bansa sa pagpapayaman ng Wikang Pambansa.
Sa kabilâ ng binanggit na kalayaan sa pagpilì ng nais gamíting paraan sa aktuwal na pagsasalin, ang pagtuklas ng pantumbas bago manghiram ay iminumungkahing pag-ukulan ng panahon ng mga tagasalin. Una, upang higit na mapalalim o mapalawak ang kaalaman sa sariling wika ng tagasalin. Ikalawa, upang maiwasan ang labis o mapagmalabis na panghihiram—ang ibig sabihin, ang panghihiram ng mga hindi naman kailangang salita, lalo’t nagkataóng hindi alam ng tagasalin ang pantumbas mula sa sariling wika bunga ng kaniyang pansariling limitasyon at kakulangan ng saliksik sa sariling wika. Biktima ng ganitong kahinaan ng tagasalin ang popular na paggamit ngayon ng hiram na “triyángguló” (mula sa Español na triangulo) o ng likhang “tatsulók” (mula sa “tatlong sulok”) dahil wala nang nakaaalala sa sinaunang “tilasithá.” Ang totoo, bakâ akalain pa ngayon ng mga Tagalog na katutubo ang “tatsulók” at likha ang “tilasithá.” Bukod pa, bakâ higit pang ninanais gamítin ng mga kabataang tagasalin ngayon ang nireispel na “trayánggel” (mula sa Ingles na triangle) kaysa Español na “triyángguló.”
Kung lumikha man ngayon ng malaking alinlangan ang muli kong pagpapakilála sa “tilasithá” ay nais ko ring tukuyin ito bílang isang marikit na patunay sa mababàng pagtingin sa Wikang Pambansa bílang wika ng karunungan. May naghaharing palagay na kulang na kulang sa dalumat na siyentipiko ang wikang katutubo, kayâ iisipin kaagad, lalo ng mga edukado nating kababayan, na imposibleng may ganitong konseptong heometriko ang mga sinaunang Filipino. Magugulat siláng lalo kapag natuklasang sinauna ang “parisukát,” dahil inakala niláng likha lámang ito at kayâ iniiwasang gamítin at higit na minamabuti ang paghiram ng “kuwádrádo” mulang Español o lalo na ng square o “iskweyr” mulang Ingles.
Samantála, ang “katarúngan” at “lungsód” ang dalawang marikit na halimbawa ng pantumbas mula sa ibang katutubong wika ng bansa. Kapuwa mula sa Kabisayaan ang dalawa. Ang una ay mula sa pang-uring Sebwanong “taróng” para sa tuwid, nilagyan ng kabilaang panlaping KA- at –AN, at ipinantumbas sa “hustisya” ng Español; mula sa Boholano ang ikalawa, nangangahulugan ng nayon o komunidad, ngunit ipinantapat ngayon sa dáti nang hiniram na Español na “siyudád.” Dahil sa binibigyan ang mga salita ng bagong kahulugan ay tíla ito sumasailalim sa paglikha ng salita at kauri ng tinatawag kong “bagong-húlog.” Noon pang panahon ng Americano naganap ang naturang paglalahok ng dalawang salita sa Wikang Pambansa. Sa kasalukuyan, higit na bumibilis ang paghahanap ng ambag na bokabularyo mula sa ibang wikang katutubo. Halimbawa, hiniram ngayon ang “rabáw” ng Ilokano upang ipantumbas sa konsepto ng surface sa pisika, ang “iláhas” mulang Kiniray-a at Hiligaynon upang itumbas sa wild ng biyolohiya, ang “láwas” mulang Sebwano at Waray upang gamitíng tulad ng teknikal na body sa Ingles, gaya sa “lawas pangkalawakan,” “lawas ng tubig.”
Dapat tandaan na ang pagtutumbas ay may mga kaakibat na problema. Pangunahin sa lahat ang pangyayari na walang dalawang wika sa mundo na may magkatulad na bokabularyo. Kayâ bihira ang tunay at ganap na magkatumbas na salita sa dalawang lengguwahe. [Magandang basáhin pa ukol dito ang mga libro sa meaning-based translation ng mga eksperto sa lingguwistika.] At kayâ malimit na nagpapaliwanag ang salin, nagiging isang parirala ang katumbas ng isang salita sa orihinal, o inililikha ng bagong katumbas ang orihinal, kung hindi man tahasang hinihiram.
May sumusunod na proseso naman ang panghihiram. Dahil sa pangyayaring pangkasaysayan at katwirang panlingguwistika, inuunang hiramang wika ang Español. Libo-libo na ang salitâng Español sa lahat ng wikang napailalim sa impluwensiya ng kolonyalismong Español. Halos lahat ng pangunahing gámit na personal ng mga Filipino, kasangkapan sa bahay at sa paaralan, konseptong Kristiyano, atbpang larang ay nása Español. May mga salita na nabago ang anyo dahil marahil sa malîng pakinig ng ating mga ninuno o dahil na rin sa walang-ingat na bigkas ng mga hindi naman edukadong dayuhang tagapagsalita, gaya ng “padér” mula sa paréd, “kómang” mula sa manco. May nagbago ng bigkas, gaya ng may mga impit sa dulong “kampanà” (campana), “kandilà” (candela), “bintanà” (ventana) mula sa wikang wala namang impit ang bigkas sa patinig. May mga salita na aakalaing katutubo kung hindi aaninawin ang pinagmulan, gaya sa “siláhis” (mula sa celaje+s) at “kalatas” (mula sa carta+s). May mga hiniram na palagiang nàsa anyong maramihan, gaya ng “sapatos,” “mansanas,” “materyales,” “prutas,” “medyas,” “mesiyas,” “perlas,” at marami pa. Mga pagbabago itong bunga ng kawalan ng wasto at pampublikong edukasyon sa wikang Español sa loob ng tatlong dantaon ng pananakop.
May sumusunod na proseso naman ang panghihiram. Dahil sa pangyayaring pangkasaysayan at katwirang panlingguwistika, inuunang hiramang wika ang Español. Libo-libo na ang salitâng Español sa lahat ng wikang napailalim sa impluwensiya ng kolonyalismong Español. Halos lahat ng pangunahing gámit na personal ng mga Filipino, kasangkapan sa bahay at sa paaralan, konseptong Kristiyano, atbpang larang ay nása Español. May mga salita na nabago ang anyo dahil marahil sa malîng pakinig ng ating mga ninuno o dahil na rin sa walang-ingat na bigkas ng mga hindi naman edukadong dayuhang tagapagsalita, gaya ng “padér” mula sa paréd, “kómang” mula sa manco. May nagbago ng bigkas, gaya ng may mga impit sa dulong “kampanà” (campana), “kandilà” (candela), “bintanà” (ventana) mula sa wikang wala namang impit ang bigkas sa patinig. May mga salita na aakalaing katutubo kung hindi aaninawin ang pinagmulan, gaya sa “siláhis” (mula sa celaje+s) at “kalatas” (mula sa carta+s). May mga hiniram na palagiang nàsa anyong maramihan, gaya ng “sapatos,” “mansanas,” “materyales,” “prutas,” “medyas,” “mesiyas,” “perlas,” at marami pa. Mga pagbabago itong bunga ng kawalan ng wasto at pampublikong edukasyon sa wikang Español sa loob ng tatlong dantaon ng pananakop.
Bukod sa hindi wasto ang anyo, nagdudulot ang mga salitâng siyokoy ng mga hindi kailangang baryasyon sapagkat ginagamit din ang wastong anyo ng hiniram sa Español o sa Ingles. Halimbawa, ano ang silbi ng baryasyon at siyokoy na “imahe” kung ginagamit naman noon pa ang lehitimong Español na “imáhen”? Pampakapal lang ng diksiyonaryo.
Samantála, nais kong ipapansin ang kinukusa naman ngayong paglikha ng baryasyon ng hiram na salita sa Español bunga ng ilang dahilan o katwirang teknikal. Halimbawa, ang paggamit ngayon ng “siyentista” para sa táong eksperto sa agham at pananatili ng “siyentipiko” bílang pang-uri. Sa Español ang cientifico ay ginagamit kapuwa bílang pangngalan at bílang pang-uri. Ang paglikha ng “siyentista” ay may layuning mabilis na maipakilála ang tao. Nilikha naman kamakailan ang “sikolohista” dahil ayaw ng mga eksperto sa sikolohiya ang kahawig na tunog sa Filipino ng orihinal na psicólogo.
Itinuturing na ikalawang hiramang wika ang Ingles. Ngunit bunga ng higit na pagkalantad sa Ingles ngayon, bakâ ang totoo’y ito ang unang hiramang wika ng nakararaming Filipino. May dalawang yugto ang panghihiram mulang Ingles. Una, ang paghiram sa salita nang walang pagbabago. Ikalawa, ang pagreispel.
Alinsunod sa 2013 Ortograpiyang Pambansa ng KWF, may tatlong pagkakataóng hinihiram nang walang pagbabago ang mga salita mulang Ingles. Una, sa mga pangngalang pantangi na hiram sa wikang banyaga, gaya ng pangalan ng tao (Charles, Felipe, Jan, Vanderbilt), pangalan ng pook (Filipinas, Nueva Ecija, New Jersey, Africa), at iba pang pangngalang nagsisimula sa malaking titik (Merchant of Venice, Mandarin, Fuerza Santiago, Jollibee, Martinez & Sons). Ikalawa, mga katawagang siyentipiko at teknikal, gaya ng carbon dioxide, jus sanguinis, zeitgeist. Ikatlo, mga salita na mahirap dagliang ireispel o nakapagdudulot ng kalituhan kapag binaybay alinsunod sa palabaybayang Filipino, gaya ng cauliflower, queen, jaywalking. Halimbawa pa, kapag binaybay ang pizza nang “pítsa” ay malaki ang posibilidad na hindi na makilála ang orihinal na pagkaing Italiano at mapagkamalan itong gámit sa paglalaro ng dáma o ahedres.
Hindi naman ipinagbabawal ang reispeling. Isang mabisàng paraan ito upang mabilis na maipaloob sa wikang Filipino ang mga hiram na salita. Marami nang pumasok na salita mulang Ingles na karaniwang isinusulat na sa baybay Filipino, gaya ng “istambay” (standby), “iskedyul” (schedule), “pulis” (police), “korni” (corny). Ngunit tinitimpi ng Ortograpiyang Pambansa ang pagbaybay-Filipino sa mga bagong hiram na salita, (1) kapag nagiging kakatwa o katawa-tawa ang anyo sa Filipino, (2) kapag nagiging higit pang mahirap basáhin ang bagong anyo kaysa orihinal, (3) kapag nasisira ang orihinal na kabuluhang pangkultura, panrelihiyon, o pampolitika ng pinagmulan, at (4) kapag lumilikha ng kaguluhan ang bagong anyo dahil may kahawig na salita sa Filipino.
Halaga ng Paglikha
Isang nakaliligtaang hakbang ang paglikha. Makabuluhang paraan ito ng pagpapayaman sa bokabularyo ng wikang pinagsasalinan. Gayunman, sinabi kong “nakaliligtaang hakbang” ito at inihulí ko ang talakay dahil sa isang maalingasngas na pangyayari noong ikalawang hati ng dekada 60.
Noong 1965, inihabla ang Pilipino (tawag sa Wikang Pambansa noon) at ang mga ahensiyang nagpapalaganap nitó dahil lumilihis diumano sa atas ng 1935 Konstitusyon. Tagalog din diumano ito at isang maskara lámang ang pagpapangalang “Pilipino.” Sinundan ito ng mga batikos hinggil sa lubhang pagiging “purista” ng Surian ng Wikang Pambansa. Higit diumanong makiling ang SWP sa paglikha sa halip na manghiram. Naging halimbawang katatawanan sa bagay na ito ang diumano’y likhang “salumpuwit” sa halip na gamítin ang “upuan” o ang popular nang hiram na “sílya.” Inabutan ng asamblea para sa pagbago ng saligang-batas ang naturang isyu kayâ nagpasiklab sa damdaming kontraPilipino ng mga delegado. Anupa’t sa 1973 Konstitusyon ay halos pinatay ang “Pilipino” dahil sa ninais ipadevelop na “Filipino” bílang Wikang Pambansa.
Sinundan ang pangyayaring ito ng mapagmalabis na hilig sa panghihiram, lalo na mula sa Ingles. Sintomas ng hilig na ito ang paglabas ng mga aklat sa gramatika na ipinagagamit ang nireispel na “nawn,” “adyektib,” atbp kapalit ng “pangngalan,” “pang-uri,” at mga likhang termino sa pinalaganap nang balarila ni Lope K. Santos. Kayâ naging tamilmil kahit ang mga masugid na alagad ng wika na umimbento ng bagong salita para sa hinihiram na bagong konsepto.
Sa kabilâ ng lahat, makabuluhan pa ring isaalang-alang ang paglikha bílang isang paraan ng pagsasalin. May tatlong paraan ng paglikha: (1) bágong-pagbuô (neolohismo), gaya ng “banyuhay” (metamorphosis), “takdang-aralin” (assignment), “kasarinlan” (independence), “pulutgatâ” (honeymoon), (2) hirám-sálin (calquing o loan translation), gaya ng “daambakal” (railway), “subukangtúbo” (test tube), “halamang-ugat” (root crop), (3) bágong-húlog (pagbúhay sa isang lumang salita at pagbibigay ng isang bagong kahulugang teknikal) gaya ng “agham” (science), “kawani” (employee), “katarungan” (justice), “lungsod” (city), “iláhas” (wild), “rabáw” (surface).
Ang bagong-pagbuo ang pinakakaraniwang taktika sa paglikha ng salin. Kinukuha ang kabuuang kahulugan ng orihinal na salita at sakâ tinatapatan ng tambalang salita, gaya ng “takdang-aralin” na katapat ng Ingles na assignment para sa pagtuturo (hindi nasasákop ng salin ang ibang kahulugan o gámit ng assignment), o kayâ ng pagbuo ng isang salita mula sa isang parirala, gaya ng “banyúhay” mula sa “bagong anyo ng búhay” na naging pantumbas sa metamorphosis. Kaiba ang proseso ng pagtutumbas sa hiram-salin dahil literal na sinusundan lámang ang takbo ng kahulugan sa orihinal, gaya ng “daambakal” na literal na ibig sabihin ng railway. Bagaman higit sanang literal ang “bakal na daan” kaysa “daambakal” at siyempre naging popular na rin ang hiram sa Español na “ríles.” Ang bagong-húlog ay imbento kong termino para pagbibigay ng bagong kahulugang teknikal sa isang lumang katutubong salita at may ibang lumang kahulugan. Halimbawa, ang “aghám” sa sinaunang Tagalog ay pagkilála sa tunay na pagkatao ng isang tao. Ngunit ginagamit ito ngayong katumbas ng “siyensiya” o science at wala nang nagsisikap umalala sa orihinal nitóng kahulugan. Ang “rabáw” ay Ilokano para sa ibabaw ngunit pinalalaganap ngayong pantumbas sa teknikal na kahulugan ng surface sa pisika. Maaaring manatili ang orihinal na kahulugan ng “rabáw” kapag ginagamit ng mga Ilokano ngunit surface na ito kapag ginamit ng di-Ilokanong Filipino.
Sa unang hati ng ika-20 siglo at sa sigabo ng pagpapayaman sa Wikang Pambansa ay naging masigla ang paggamit sa tatlong paraan ng paglikha. Pinakamagandang halimbawa ng bagong-pagbuo ang mga terminong panggramatika na naging popular sa bisà ng balarila ni Lope K. Santos. Aplikasyon naman ng bagong-húlog ang paggamit ng mga katawagang pangagrikultura para sa peryodismo, gaya ng “tudlíng” para sa column, “pangulong-tudlíng” para sa editorial.
Mga hiram-salin naman ang gaya ng “tagamasíd” para sa supervisor at “tagapamanihalà” para sa superintendent. Ngunit ang pagmamadalî marahil sa paghahanap ng katumbas ay nagbunga din ng hindi gaanong eksaktong salin, gaya sa “patnúgot” na maaaring itapat sa editor at sa director. Ang “pahayagán” ay katapat ng diario sa Español o newspaper sa Ingles ngunit problema ang “pamamahayág” dahil maaaring itapat sa journalism at maaari din sa demonstration. Alin ba sa “tagapamahalà,” “tagapangasiwà,” o “tagapagpatupád” ang katapat ng manager o administrator?
Salimuot ng Salita Bílang Teksto
Ipinapayo din ngayon ng mga eksperto ang pagsuri sa akda bílang teksto. Ang ibig sabihin, ang salita ay hindi salitâng nakalutang sa hangin. Nagkakaroon ito ng kahulugang iba sa karaniwang gámit alinsunod sa posisyon nitó sa pangungusap, sa himig ng pagkakabigkas, at sa iba pang tinatawag na konteksto. Kayâ, iminumungkahi ang pagsagot sa sumusunod na tanong: Paano ba ginagamit ang salita sa teksto? Sa pagsasaling pampanitikan, lalo na, kailangang alamin ang mga larong pampanitikan at kaligirang pangkultura ng teksto.
Ipinapayo din ngayon ng mga eksperto ang pagsuri sa akda bílang teksto. Ang ibig sabihin, ang salita ay hindi salitâng nakalutang sa hangin. Nagkakaroon ito ng kahulugang iba sa karaniwang gámit alinsunod sa posisyon nitó sa pangungusap, sa himig ng pagkakabigkas, at sa iba pang tinatawag na konteksto. Kayâ, iminumungkahi ang pagsagot sa sumusunod na tanong: Paano ba ginagamit ang salita sa teksto? Sa pagsasaling pampanitikan, lalo na, kailangang alamin ang mga larong pampanitikan at kaligirang pangkultura ng teksto.
Mabigat ding tungkulin ang pagsasaliksik sa
kaligirang pangkultura ng teksto. Tinatawag din itong
konteksto at tumutukoy sa idyomang pangwika, alusyong pampanitikan, sipi sa kasaysayan, at/o kaugaliang
panlipunan na posibleng nakatimo sa teksto, sinadya man
o hindi ng awtor. Ang ibig sabihin pa, ang isang manunulat
ay produkto ng kaniyang karanasan, panahon, at lipunan
at dahil dito’y tiyak na naaapektuhan ng mga ito sa akto ng
pagsulat. Bahagi ng tungkulin ng dalubhasang tagasalin
ang sipag magsaliksik. Tiyak na makatutulong sa tagasalin
ang anumang impormasyong magbibigay ng dagdag na
liwanag sa kaniyang tekstong isinasalin. Itutumpak ng
kaalaman hinggil sa pinagmulan ng isang salita sa orihinal
ang kaniyang pagpilì ng itutumbas na salin.
Siyempre, hindi dapat kalimutan ang paggamit ng tumpak na timpla lalo na’t pampanitikan ang ninanais na salin. Kung bagá sa pagluluto, may mga kusinerong marunong sumunod sa resipe ngunit walang lasa ang inihaing pasta. Pare-pareho lang ang sangkap ng sinigang ngunit nása dalubhasang kusinero ang pagtimpla upang magkaroon ito ng tamang asim. Sa pagsasalin, kung minsa’y nangangahulugan lámang ang tumpak na timpla ng wastong paggamit sa “pero,” “ngunit,” “subalit,” o “datapwat.” O ng isang angkop na anyo ng pangungusap upang mapalitaw ang katangian ng isang tauhan. O ng maikli o mahabàng talata para ipahayag ang matinding damdamin o mabagal na pagninilay. Wala mang batas hinggil dito, ang pansarili ngunit masusing ebalwasyon ng tagasalin sa mga katangian ng isinasaling teksto ang papatnubay sa kaniya upang mailapat ang nararapat na timpla ng salin.
Pagkatapos ng lahat, pinakamahalaga sa pagsasalin ay accuracy. Eksaktitud. Hindi sa kahulugang “katapatan” o fidelidad lámang. Higit na ukol ito sa “pagiging wasto” : (1) tama ang bása sa teksto, (2) malinaw ang interpretasyon, (3) epektibong nabigyan ng bagong búhay ang orihinal. Maaaring makaengkuwentro ang mga ibig kong sabihin ngayon sa ibang salita. May sari-sariling iniimbentong termino ang mga eksperto upang higit na maipahayag ang kanilang ibig sabihin. Halimbawa, ang fluency strategy ni John Hookham Frere (1820) o ang dynamic equivalence ni Eugene Nida. Maaari ding makaengkuwentro ng paliwanag na binibigyan ng pagpapahalaga ang bílang (1) o ang bílang (2). At maaaring bunga ito ng ninanais bigyan ng diin ng sumulat o bunga rin ng palipat-lipat na empasis sa kabuluhan ng pagsasalin sa pana-panahon.
Hintay muna. Hindi ba’t kapag pagiging eksakto ang pamantayan ay higit na nauukol ito sa pagsasaling teknikal? Maaari. Subalit dapat ding igiit na ang “wastong pagsasalin” ay katangian kapuwa ng pampanitikan at teknikal na salin. Naididiin lámang ang eksaktitud sa saling teknikal dahil sa mahigpit na kahingian ukol dito ng tekstong siyentipiko at teknikal. Halimbawa, ang “náis” ay may pagpipiliang mga singkahulugang gaya ng “gustó,” “ibig,” “nasà,” “pithayà,” at “lunggatî.” Nakahayin itong mga pagpipilian ng tagasalin at dahil may nagkakatulad namang katuturan ay maaaring palit-palit gamítin sa pagsasalin ng isang akdang pampanitikan, alinsunod sa kaniyang pangangailangang pampanitikan, o kahit alinsunod sa kaniyang naisip gamítin sa isang pagkakataón. Ngunit maaaring timpiin ng pagsasaling teknikal ang ganitong kaluwagan. Itatapat nitó ang “lunggatî” para sa desire ng sikolohiya, ang “nasà” para sa masidhing layuning malimit na nauukol sa bawal, ang “adhikà” para sa hangaring malaki at pampolitika, ang “mithî” para ideal ng pamantayang pilosopiko. At hindi maaaring magkapalit-palit ng aplikasyon ang mga salitâng ito kapag ginamit sa isang tiyak na disiplina o larang sa agham at teknolohiya. Gayunman, dumarating din ang ganitong higpit at tatag ng pagpapakahulugan sa pagsasaling pampanitikan, lalo na kapag nakaharap ng tagasalin ang espesyal na wika ng isang awtor o ang tunay na naiibang kontekstong pangkultura ng isang katha.
Malimit ngang kailangan niyang maglagay ng talababâ upang ipaliwanag ang isang hindi maisaling salita sa tula o bigyan ito ng pakahulugan sa loob ng talata.
Kayâ noon pang 1886 ay naipayo na ni Paciano Mercado Rizal sa kapatid niyang si Jose na: “Ang pagsasalin ay iniaayon sa mga salita kapag ito’y mauunawaan, at ginagawang malaya naman kapag iyon ay may kalabuan datapua’t hindi lumalayo kailanman sa kahulugan.” Noon pa’y alam na ni Paciano na higit na mahalagang patnubay sa tagasalin ang hindi paglihis sa kahulugan. Paglilipat ng kahulugan ang pangunahing layunin ng pagsasalin. Maaaring gumamit ang tagasalin ng pagtutumbas, lumikha, o manghiram alinsunod sa kaniyang pangangailangan upang higit na mabisàng mailipat sa kaniyang wikang pansalin ang kabuuang ibig sabihin ng isinasalin.
Kayâ noon pang 1886 ay naipayo na ni Paciano Mercado Rizal sa kapatid niyang si Jose na: “Ang pagsasalin ay iniaayon sa mga salita kapag ito’y mauunawaan, at ginagawang malaya naman kapag iyon ay may kalabuan datapua’t hindi lumalayo kailanman sa kahulugan.” Noon pa’y alam na ni Paciano na higit na mahalagang patnubay sa tagasalin ang hindi paglihis sa kahulugan. Paglilipat ng kahulugan ang pangunahing layunin ng pagsasalin. Maaaring gumamit ang tagasalin ng pagtutumbas, lumikha, o manghiram alinsunod sa kaniyang pangangailangan upang higit na mabisàng mailipat sa kaniyang wikang pansalin ang kabuuang ibig sabihin ng isinasalin.
Ferndale Homes
8 Nobyembre 2015
No comments:
Post a Comment