Thursday, June 17, 2021

PAGSASALIN BÍLANG PAKIKIPAGLARO SA WIKA ni Virgilio S. Almario

I sang pandaigdigang paniwala ang pagtuturing sa panitikan bílang malikhaing paglalaro sa wika. Sa gayon, pangunahing hámon sa pagsasaling pampanitikan ang pagtukoy at paghahanap ng pantumbas sa mga malikhaing laro-sa-salita ng akdang isinasalin. Iyon ang ibig kong sabihin sa pagsasalin bílang “pakikipaglaro sa wika”— inilalahok ng tagasalin ang kaniyang wikang pansalin sa laro-sa-salita ng isinasaling awtor na sa palagay niya’y makabuluhan upang higit na mapahalagahan ng kaniyang mambabasá ang orihinal na akda at ang salin. Ang antas at kalidad ng pakikipaglaro sa wika ng salin ay maaaring gamítin upang sukatin mismo ang antas ng pagpapahalaga at sinop ng tagasalin sa kaniyang isinasalin, gayundin ang kaniyang angking kahandaan at kakayahang bumása ng mga pampanitikang laro-sa-salita.

Ang tungkuling ito ang tinatawag ni André Lefevere (1992) na “illocutionary power” nang ipahayag niyang “Ideally, they (ang mga tagasalin) should be able to convey both the semantic information content of the source text and its illocutionary power.” Gayunman sa praktika, wika rin niya, nagagampanang kasiya-siya ng mga tagasalin ang una ngunit malimit na hindi ang ikalawa. Dahil sa kaniya ring panuntunan na higit na isaisip ng mga tagasalin ang tungkuling maidulot sa kanilang madlang mambabasá ang orihinal, ipinapayo ni Lefevere ang laging pagpapahalaga sa unang binanggit niyang tungkulin, sa pagdudulot ng “nilalamang semantikong impormasyon” sukdulang isakripisyo ang pagsasalin sa mga malikhaing ekspresyon.

mambabasá ang orihinal, ipinapayo ni Lefevere ang laging pagpapahalaga sa unang binanggit niyang tungkulin, sa pagdudulot ng “nilalamang semantikong impormasyon” sukdulang isakripisyo ang pagsasalin sa mga malikhaing ekspresyon.

Nais kong gamítin sa pagtalakay ng gampaning ito ang pagsasalin sa “Último adiós” ni Jose Rizal. Bakit? Dahil paborito itong isalin ng mga makata at ibang manunulat, at kayâ noon pang ika-20 siglo ay umaabot na sa 22 ang salin sa Tagalog/Pilipino/Filipino. Apat na salin—ang mga salin nina Andres Bonifacio, Pascual Poblete, Julian Cruz Balmaseda, at Guillermo Tolentino—ang gagamitin ko upang itanghal ang hirap ng pakikipaglaro sa wika ng panitikan. Magandang pagkakataón din ito upang tamasahin ang pambihirang sitwasyon na inaasam noon pa ni Wilhelm von Humboldt, ang pagkakaroon ng “maraming salin” ng isang akda upang higit na mapatingkad ang katangian nitó. Magumpisa táyo sa pagtunghay sa unang saknong ni Rizal:

Adiós, Patria adorada, región del sol querida, 

Perla del mar de Oriente, nuestro perdido Edén!

A darte voy alegre la triste mustia vida, 

Y fuera más brillante más fresca, más florida, 

También por tí la diera, la diera por tu bien.


Ang unang kapansin-pansing laro-sa-salita ng tula ni Rizal ay ang tradisyonal na anyo ng saknong nitó. Ang buong “Último adiós” ay binubuo ng 14 na saknong at may iisang hubog ang mga saknong. Bawat saknong ay may limang taludtod; bawat taludtod ay may isahang padron ng tugma at súkat. May 14 pantig bawat taludtod ay may sesura tuwing ikapitóng pantig. Dalawahan ang tugma (abaab): nagtutugma ang una (“querida”), ikatlo (“vida”), at ikaapat (“florida”), samantalang may ibang tugmaan ang ikalawa (“Edén”) at ikalima (“bien). Sa pagtulang Español, ang saknong na may limang taludtod ay tinatawag na quintilla. Ang súkat na lalabing-apatin ay tinatawag namang alejandrino. Kinasuyaan na ng mga makatang Español ang isahang tugma bago pa sakupin ng España ang Filipinas, kayâ dalawahan at tatluhan ang tugmaan ng mga tulang tradisyonal na napag-aralan ni Rizal.


Paano nilapatan ng pagsasalin ang tradisyonal na anyong Español ng tula ni Rizal?

Ang kauna-unahang salin sa “Último adiós” ay ginawa ni Andres Bonifacio. Sa aking saliksik, unang nalimbag ang salin ni Bonifacio noong 1897 na may pamagat na “Pahimakas” at ginamitan ng sagisag niyang “A.B. Maypag asa.” Ibang-iba ang una’t hulíng mga saknong ng bersiyong ito kaysa mga popular na bersiyong inililimbag ngayon. [Naigawa ko na rin ng pahambing na pagsusuri ang tula ni Rizal at ang salin ni Bonifacio noong 1996, na may binagong edisyon noong 1997.] Narito ang una’t ikalawang saknong ng bersiyong 1897 ng salin ni Bonifacio:

Paalam na Bayang pinakamamahal 

lupang iniirog ng sikat ng araw 

mutyang mahalaga sa dagat Silangan 

pumanaw sa aming Kaluwalhatian. 


Masayang sa iyo’y aking idudulot 

ang lanta kong buhay na lubhang malungkot; 

maging maringal man at labis alindog 

sa kagalingan mo ay akin ding handog


Ano ang itinumbas ni Bonifacio sa tradisyonal na anyong Español ng tula ni Rizal?


Itinapat ni Bonifacio ang napakapopular noong anyo ng saknong na ginamit ni Balagtas sa Florante at Laura. Isang saknong na binubuo ng apat na taludtod at may isahang tugma at súkat. Hanggang noong ika-19 siglo, laging isahan ang tugma at súkat ng pagtula sa Tagalog at ibang pangunahing wika ng Filipinas. Ngunit ito ang maganda, ang súkat na lalabindalawahin sa padron ni Bonifacio ay hindi katutubo kundi naturalisadong súkat. Sa aking saliksik, ipinasok lang ito sa panahon ng Español, at mula sa orihinal na súkat ng alejandrino sa pagtulang French. Bagaman lalabing-apatin ang metro ni Rizal at lalabindalawahin ang súkat ni Bonifacio, may iisang bukal na Europeo ang mga ito—ang alexandrine ng panulaang French.

Kapansin-pansin naman na maliit ang saknong ni Bonifacio. Hindi sapat ang anyo ng saknong na pansalin upang pagkargahan ng semantikong nilalaman ng saknong ni Rizal. Sa gayon, kinailangang lumikha si Bonifacio ng dalawang saknong para sa bawat saknong ni Rizal, at kayâ nadoble ang habà ng tulang salin. Naging 28 saknong. Sa akin ding pagsusuri, regular na naisasalin ang kalahati ng saknong ni Rizal sa bawat saknong ni Bonifacio,  maliban kung may nagaganap na pagbaligtad sa paraan ng pagpapahayag dahil sa ibang pangangailangang pampanulaan.

Ngayon, ang halimbawa ng salin ni Bonifacio ay sinundan ng iba. Una sa lahat ang salin ni Pascual H. Poblete na “Huling Caisipan,” at narito ang kaniyang unang dalawang saknong

Paalam na sintang Lupang Tinubuan,

 Pinacaiibig na bayan ng araw, 

 Perlang mahalaga ng dagat Silangan, 

 Edeng maligayang sa ami’y pumanaw! 


 Sa iyo’y handog co ng ganap na tuwa 

Yaring abang buhay na lanta’t dalita; 

Maging dakila ma’y iaalay rin nga 

Cung dahil ng iyong icatitimawa


ma sa tugma at súkat sa panahon ng Americano ang paghanap ng ibang anyo ng saknong upang itapat sa saknong ni Rizal. Ang nakatutuwa, sa naganap na reporma, ginamit ng mga makatang Tagalog ang dati’y iniiwasan niláng mga tradisyonal na anyong Español. Dito nangyari ang panggagaya ng mga makata natin sa soneto, lira, decima, atbp mulang Europa. Unang halimbawa ng saloobing repormista ang saling “Huling Pahimakas” ni Julian Cruz Balmaseda, na halos katulad ng tula ni Rizal ang naging hubog ng salin, at narito ang unang saknong:


Paalam na mutyang Tinubuang-

Lupang minahal ng araw,

Ligayang naglaho at Perlas ng Dagat sa Kasilanganan 

Masayang sa iyo’y dulot ko ang aking aba’t 

Gano mang kaningning, gano mang kaganda at kasariwaan, 

Idudulot ko rin kung dahil sa iyong ikatitiwasay


Limang taludtod na ang saknong ni J.C. Balmaseda, tulad ng kintilya ni Rizal. Ngunit kung tititigan, isahan pa rin ang kaniyang tugma at súkat. Bukod pa, ang kaniyang súkat na lalabingwaluhin ay waring pinahabà lámang na lalabindalawahin. Kayâ ang sesura nitóng 6/6/6 ay mahahalatang nagdagdag lámang ng anim na pantig sa 6/6 ng lalabindalawahin. Dito nagpasok ng kabaguhan ang “Ang Huling Paalam” ni Guillermo E. Tolentino:

Paalam na, sintang Bayan, lupang kasuyo ng araw, 

Mutya nang dagat Silangan, aming langit na pumanaw! 

Malugod kong inyaalay ang amis ko’t lantang buhay, 

 At tunay mang maluningning, mabulaklak at malabay 

Alay ko ri’t sa ‘yo’y handog, lumigaya ka na lamang


Limang taludtod din ang hulmahan ng saknong ni G.E. Tolentino. Ngunit iba ang súkat ni G.E. Tolentino sa súkat ni J.C. Balmaseda. Lalabing-animin ito at may sesurang 8/8 na maaari pang hatiin sa 4/4/4/4. May higit na katutubong ritmo ang taludturan ni G.E. Tolentino dahil ipinagugunita nitó ang súkat na wawaluhin at isa sa sinasabing paboritong katutubong súkat ng mga makatang Tagalog. [Pipituhin ang isa pang sinaunang katutubong súkat, gaya sa diyóna at tanagà.] Dinoble lámang ng lalabing-animin ni G. E. Tolentino ang wawaluhin ng sinaunang dalít.

Mga Anyo ng Pag-uulit

Ang totoo, ang tugma at súkat ay isa lámang sa mga anyo ng pag-uulit sa pagtula. Pag-uulit ng tunog sa dulo ng dalawa o mahigit pang taludtod ang tugmâ. Pag-uulit ng bílang ng pantig sa dalawa o mahigit pang taludtod ang súkat. Nagdudulot ang ganitong pag-uulit ng musika at umuugit sa ritmo ng tula. Mahalaga ito sa panahong binibigkas (at di nakasulat) ang tula dahil nagbibigay ng kalugod-lugod na indayog para sa nakikinig bukod sa tumutulong naman sa pagmememorya ng mga saknong [lalo’t napakaraming saknong, gaya sa mga epikong-bayan] sa panig ng makata. May malaking ambag din ang pag-uulit sa pagtuturo. Kailangang ulit-ulitin ng guro o paham, halimbawa, ang isang mahalagang salita upang matandaan ng mga tinuturuan o madla. Sa gayon, napakahalagang instrumento sa retorika ang iba’t ibang anyo ng pag-uulit bukod sa tugma at súkat.

Ang totoo, ang tugma at súkat ay isa lámang sa mga anyo ng pag-uulit sa pagtula. Pag-uulit ng tunog sa dulo ng dalawa o mahigit pang taludtod ang tugmâ. Pag-uulit ng bílang ng pantig sa dalawa o mahigit pang taludtod ang súkat. Nagdudulot ang ganitong pag-uulit ng musika at umuugit sa ritmo ng tula. Mahalaga ito sa panahong binibigkas (at di nakasulat) ang tula dahil nagbibigay ng kalugod-lugod na indayog para sa nakikinig bukod sa tumutulong naman sa pagmememorya ng mga saknong [lalo’t napakaraming saknong, gaya sa mga epikong-bayan] sa panig ng makata. May malaking ambag din ang pag-uulit sa pagtuturo. Kailangang ulit-ulitin ng guro o paham, halimbawa, ang isang mahalagang salita upang matandaan ng mga tinuturuan o madla. Sa gayon, napakahalagang instrumento sa retorika ang iba’t ibang anyo ng pag-uulit bukod sa tugma at súkat.

Ngayon, lasapin ang asonansiya at pag-uulit ng “más” sa ikaapat na taludtod ni Rizal (“Y fuera más brillante más fresca, más florida,”). Natapatan ba ito ng mga salin? Palagay ko, mahinà ang “maging maringal man at labis alindog” ni Bonifacio. Lalo nang hindi man lámang nagtangkang tumapat ang “maguing dakila ma’y iaalay din nga” ni P. H. Poblete. Nakuha ng “At lalo mang maluningning, mabulaklak at malabay” ni G.E. Tolentino ang paghahanay ng orihinal ngunit kulang sa musika. Pinakamatagumpay sa pakinig ko ang “Gano mang kaningning, gano mang kaganda at kasariwaan” ni J.C. Balmaseda.

Ang ikalimang linya sa unang saknong ni Rizal ang pinakamarikit na pag-uulit at pinakamahirap isalin sa Filipino: “También por tí la diera, la diera por tu bien.” Isa itong baligtarang pag-uulit, at maaaring itulad sa epekto ng tinatawag sa retorikang Griego na antistrope. Sa paraan ni Rizal ng baligtarang pag-uulit, hinati ang taludtod sa dalawang pangkat ng salita na tíla magkatulad ang sinasabi ngunit magkasalungat ang daloy ng mga salita. Sa literal na salin, “Rin para sa iyo ito’y ibibigay, ito’y ibibigay para sa iyong ikagagalíng (o ikahuhusay).” Kahit sa literal, mahirap maabot ang alingawngawan sa isa’t isa ng “también” at “bien.” Napakakipot ng mga lalabindalawahin nina Bonifacio at P. Poblete para makatupad sa naturang laro-sa-salita. Waring hindi naman ito pinansin ni G.E. Tolentino sa kaniyang medyo masalitang” “Alay ko ri’t sa ‘yo’y handog, lumigaya ka na lamang.” [“Alay” na, “handog” pa. Maaksaya sa súkat.] Gayundin ang masasabi sa “Idudulot ko rin kung dahil sa iyong ikatitiwasay” ni J.C. Balmaseda

Isa pang dramatikong pag-uulit ang repetisyon ng isang salita o prase upang maging kawil o pang-ugnay ng damdamin o kaisipang ipinahahayag sa isang mahabàng tula. May ganitong silbi ang “adiós” na ginamit na pambungad sa orihinal ni Rizal. Uulitin ito sa ibang bahagi ng tula, at magdudulot ng pag-igting ng damdamin nang ulit-ulitin sa dulong saknong ni Rizal. Isinalin itong “paalam” ng apat nating tagasalin sa Filipino at matagumpay na nasundan ang mga paggamit ni Rizal, pati ang pagpupuwesto nitó sa simula ng taludtod. [Dito dapat pansinin ang hindi magandang posisyon ng “paalam” sa unang saknong ng popular na bersiyon ng salin ni Bonifacio at ganito ang itsura:

Pinipintuho kong Bayan ay paalam

lupang iniirog ng sikat ng araw,

mutyang mahalaga sa dagat Silangan,

kaluwalhatiang sa ami’y pumanaw


Kahit ang imbersiyong naganap sa ikaapat na taludtod ay hindi kanais-nais, dahil huminà ang halaga ng “kaluwalhatian” nang ipuwesto sa unahan ng taludtod. Higit na nabibigyan ito ng diin bílang pantugmang salita ng ikaapat na taludtod sa bersiyong 1897.] Kung tititigan pa ang tula ni Rizal at ang mga salin, tingnan din ang madulaing pag-uulit sa “deja” na tinapatan ng “bayaan” sa lahat ng salin. Ang pag-uulit ng salita ay nagdudulot ng kadena at kadensa—kadena ng mga taludtod o saknong na binibigkas ng isang panlahat ng salita; kadensa o musikang maitutulad sa epekto ng litanya at salmo na siyang impluwensiyang pang-organisasyon ng tíla dalangin niyang tula. Pakinggan pa ang dramatikong pagtatapos ng ikaapat na taludtod ng ikawalong saknong sa salitâng “ore” upang magsimula naman sa himig na pautos/pasamò ng “ora” ang ikalimang taludtod ng naturan ding saknong, at upang magsimula pa sa “ora” ang ikasiyam na saknong.


Kahit ang tanikala ng tatlong pariralang pambansag sa “Patria adorada” sa bungad ng tula—“región del sol querida,//Perla del mar de Oriente, nuestro perdido Edén”—bukod sa epektong aliteratibo, ay may panukalang

tugtúgin sa pagbása. Sa ating kasaysayang pampanitikan, pinagmulan ang mga ito ng halos mitikong mga paraan ng paglalarawan sa Filipinas bílang “lupang hinirang”— “kasuyo ng araw,” “perlas ng Silangan,” at “naglahòng Paraiso.” Ang bolyum ng pantig sa bawat parirala ay may pagsasalitan ng maikli-mahabà-maikli na babagal dahil sa mahabàng dalawahang yugto ng kasunod na taludtod, at upang sumigla at bumilis naman ang pintig sa maiikling prase ng ikaapat na taludtod. Hindi katakátaká na paboritong memoryahin at bigkasin ng maraming mambeberso ang unang saknong ng “Último adiós.”


Marami pang ibang laro-sa-salita at tíla mahikang kinakasangkapan ng dalubhasang makata upang lumikha ng sari-saring epekto/epektos na pampanitikan sa pagsulat. Kailangang alam din ng tagasalin ang mga ito upang mapag-aralan kung paano “makipaglaro” kapag naengkuwentro sa isinasaling akda.

 Mga Alusyong Pampanitikan

Ikalawang problema ng tagasalin ng akdang pampanitikan ang pagsasaliksik sa mga posibleng bukal ng akdang isinasalin. Hindi naman nagsusulat ang makata ng mga salitâng nahuhulog mula sa langit. Malimit na dinudukal niya ang isinusulat sa gunita—pag-alaala sa iba’t ibang pansariling karanasan [matinding eksperyensiya noong batà, binásang libro, kuwentong-bayan, paboritong manunulat, naikuwento ng kaklase o kaopisina, atbp]— na matatawag nating “pinagkunan” ng kaniyang akda. Sinisipi niya ito ngunit hindi nilalagyan ng panipi. Kung tunay na hinugot mula sa ibang akda o sinabi ng ibang tao, tinatawag itong alusyong pampanitikan. Kayâ kaiba sa lahat si Balagtas. Bago pa nag-aral ng wastong pagkilála sa sanggunian ang ating mga iskolar ay nilagyan na ni Balagtas ng talababâ ang Florante at Laura upang ipaliwanag ang kaniyang ginamit na mga alusyon mula sa mitolohiyang Griego-Romano.

Ang tula, lalo na, ay mahilig sa paggamit ng mga salitâng-may-palaman o mga salitâng may nakatimong sipi. Itinuturing ang ganitong alusyong pampanitikan na pampayaman sa kahulugan ng tula. Tungkulin naman ng tagasalin na tuklasin ang mga “pinagkunan” ng akdang isinasalin upang higit na maiwasto ang salin.

Tinupad ni Brooke F. Cadwallader ang nabanggit na tungkulin para sa “Último adiós” noong 2004. Sa kaniyang “Some Influences on the Poetry of Rizal,” sinaliksik ni Cadwallader ang mga tula at makatang Español na posibleng sinipi ni Rizal sa kaniyang pagtula. Pangunahin sa posibleng pinagkunan ng “Último adiós” ang bantog na si José de Espronceda (1808-1842) at lalo na ang “A Teresa” na pangalawang canto sa tulang pasalaysay na El Diablo Mundo (unang nalathala, 1852). Halimbawa, ang ikasiyam na saknong ni Rizal:

Ora por todos cuantos murieron SIN VENTURA,

Por cuantos padecieron tormentos sin igual,

Por nuestras pobres madres que GIMEN su 

AMARGURA,

Por huérfanos y viudas, por presos en TORTURA

Y ora por ti que veas tu redencion final.


Na humugot ng mga salita at konsepto mula sa ika-20 saknong ni Espronceda:


Oh dichosos mi veces! Si, dichosos

Los que podeis llorar; y ay! SIN VENTURA

Di mi, que entre suspiros angustiosos

Ahogar me siento en infernal TORTURA!

Retuercese entre nudos dolorosos

Mi corazon GIMIENDO de AMARGURA…!

Tambien tu corazon hecho pavesa,

Ay! Llego a no llorar, pobre Teresa!


Si Cadwallader ang naglimbag sa mga malaking titik sa mga salitâng nagkakatulad sa mga saknong nina Rizal at Espronceda.

Kahit ang paborito natin ngayong “nuestro perdido Edén” sa unang saknong ni Rizal ay natukoy ni Cadwallader na hinugot sa tula ni Espronceda, gaya sa saknong na:


Es el amor que al mismo amor adora,

El que creó las Silfides y Ondinas,

La sacra ninfa que bordando mora

Debajo de las aquas cristalinas;

El el amor que recordando llora

Las arboledad del EDÉN divinas,

Amor de allí arrancado, allí nacido,

Que busca en vano aquí su bien PERDIDO.


Hindi naman kataká-takáng mabighani si Rizal sa sinisiping tula at makatang Español. Ang búhay at paninindigang pampolitika ni Espronceda ay tiyak na umakit kay Rizal noon pang kabataan niya at nagsisimulang maglunggati ng kalayaan si Don José de Espronceda y Lara ay itinuturing na pinakadakilang makatang lliriko sa España ng ika-19 siglo. Isinilang siya sa panahon ng pag-aalsa laban sa tiraniya ni Napoleon, at bagaman mula sa mariwasang pamilya at lumaki sa layaw ay naging tagapagtaguyod ng mga mithiing liberal. Ilang ulit siyang napiit at nadestiyero dahil sa pabago-bagong nangingibabaw na politika sa España. Isa siyang kontrafraile at kontra-monarkista bagaman hindi nagtakwil ng relihiyong Katolika.

Isa namang pangunahing pag-ibig ni Espronceda si Teresa Mancha, na nakilála niya sa Lisbon at muling nakatagpo sa Paris. Iniwan ni Teresa ang asawa at anak at sumáma kay Espronceda hanggang Madrid. Nagkaanak silá, si Blanca, noong 1834, at sa taon ding iyon ay iniwan ni Teresa ang makata. Nagpatúloy ang magulong búhay pampolitika ni Espronceda, ngunit patunay ang “A Teresa” sa higit na mataos na pagsinta ng makata.

Ngunit paano binása ni Rizal ang kaniyang impluwensiya? Tulad ng mahahalata sa paghahambing ni Cadwallader, isang malikhaing pagbása ang isinagawa ni Rizal kay Espronceda. Isang tula ng pag-ibig ang “A Teresa” at isang tula din ng pag-ibig ang “Último adiós”—ngunit tula ng pag-ibig sa bayan. Ang “pobre Teresa” ni Espronceda ay naging “Patria adorada” ni Rizal. Ang panukala kong malikhaing pagbása ay paraan ng pagdanas ng manlilikha (manunulat at artist) sa kaniyang daigdig. Kinakain niya ang bagay-bagay (panitikan, kaligiran, pamilya, komunidad, edukasyon sa paaralan, atbp), nginunguya, nilalasahan, tinatandaan ang nilasap lalo na ang nasarapan, nilulusaw sa tiyan, idinudumi ang sapal at di-kailangan, at nagiging bahagi ng pansariling kalusugang pansining ang itinuring na kailangan. Nagaganap ang malikhaing pagbása ng manunulat sa kaniyang danas sa pamamagitan ng alusyong pampanitikan, tahasang pagsipi, paghahandog, pagdaragdag, pagpapayaman, at kahit sa pamamagitan ng pang-uuyam, panggagagad, pagsikil, at tahas o ditahas na pagsalungat.

Napakabigat na tungkulin ng tagasalin o manunuri ang pasasaliksik at pagtiyak sa isinagawang malikhaing pagbása ng isang makata o manlilikha sa kaniyang impluwensiya. Dapat nating pasalamatan ngayon ang tiyagang magsaliksik ni Cadwallader. Dahil sa kaniyang saliksik, nabigyan niya táyo ng patnubay upang sukatin ang tiyagang magsaliksik ng mga nakaraang tagasalin ni Rizal at malaking tulong siya sa mga magnanais na lumahok sa pagsasalin sa “Último adiós.”

Halimbawa, ang pagtuklas sa pinagkunan ng “nuestro perdido Edén” ay hindi dapat magtapos sa “A Teresa.” Sinipi din ito ni Espronceda sa Bibliya, at tiyak na batid ito at nása isip ni Rizal nang gamítin niya sa “Último adiós.” Ang Edén ang biblikong paraiso na nilikha ng Diyos at naging tahanan nina Adan at Eva. Itinataghoy itong “naglahò” sa panitikang Kristiyano, nang magkasála at palayasin sa Eden sina Adan at Eva. Sa gayon, hindi man alam ang alusyon kay Espronceda [dahil hindi naman marahil kapantay ng iskolarsip ni Cadwallader ang ating mga tagasalin ni Rizal], maaari nating litisin ang naging tiyaga ng mga tagasalin sa kanilang pagsasaalang-alang sa alusyong bibliko ng “nuestro perdido Edén.”

Balikan natin ang katapat na taludtod sa ating mga salin. “Pumanaw sa aming Kaluwalhatian” ang buong taludtod ni Bonifacio. Isang buong taludtod din ang pantapat ni P. Poblete: “Edeng maligayang sa ami’y pumanaw.” Isang prase, “Ligayang naglaho,” ang ginawa ni J.C. Balmaseda, gayundin ang “aming Langit na pumanaw” ni G.E. Tolentino.

Sa apat na tagasalin, ni P. Poblete lámang ang tahas na sumipi sa “Edén.” Nanghiram siya. Inihanap ito ng tatlo ng pantapat na konseptong Filipino. “Kaluwalhatian” kay Bonifacio, “Ligaya” kay J.C. Balmaseda, at “Langit” kay G.E. Talentino. Nagbagong-húlog silá. Naghanap ng lumang salita at itinumbas sa “Edén.” Sa tatlo, ang “Ligaya” ni J.C. Balmaseda ay maaaring ituring na ganap at tahas na pagkatas sa literal na sinasagisag ng “Edén.” Ang paglilimbag din nang may malaking unang titik sa “Ligaya” ay may layuning bigyan ito ng tungkuling alegoriko. Ang “Kaluwalhatian” ni Bonifacio at “Langit” ni G.E. Tolentino ay malinaw na mga pagtatangkang ilapit ang kahulugan ng “Edén” sa mga mambabasáng maaaring hindi batid ang alusyong bibliko ngunit may hiwatig na pambalana sa naging gámit panrelihiyon o espiritwal ng mga naturang salita. Sa pasyon, halimbawa, ang “Langit” at “Kaluwalhatian” ay nauukol sa estadong pangkaluluwa na maitutulad sa ganap na ligaya at layaw nina Adan at Eva sa “Edén.”

Kasaysayan at Talambuhay sa Teksto

Nakatimo din sa tula bílang teksto ang kaligirang personal at publiko ng makata. Halimbawa, isa sa natitigan ni Cadwallader ang praseng “tersa frente” (makinis na noo) sa dulo ng ikaapat na taludtod ng ikaapat na saknong ng “Último adiós.” Lumitaw din ang pariralang ito sa “A Teresa” ni Espronceda. Ngunit naalala din ni Cadwallader na ginamit na ito ni Rizal sa unang taludtod ng tula niyang “A la Juventud filipina”:


Alza tu TERSA FRENTE,

 Juventud filipina, en este día!

 Luce resplandeciente

 Tu rica gallardía,

 Bella esperanza de la Patra mía!


Ayon sa talambuhay ng bayani, sinulat niya ito noong labinlimang taóng gulang siya at nagwagi ng karangalang-banggit sa timpalak ng Real Sociedad Económica de Amigos del País noong 29 Nobyembre 1879. Isang unang haka ay hinggil sa posibilidad na talagang malalim ang timo ni Espronceda kay Rizal dahil nabása na siya ng ating bayani noong tin-edyer pa ito. [Napakagandang pangyayari kung may lumitaw na pruwebang nakarating na sa Filipinas ang akda ni Espronceda noong kabataan ni Rizal.] Gayunman, isa pang maaaring subaybayan ay ang bahagi nitó sa kaisipan at búhay ni Rizal. Bakit kailangang ulitin ni Rizal ang “tersa frente” sa kaniyang pangwakas na kaisipan? May naganap bang transpormasyon sa “tersa frente” ng “A la juventud filipina” at sa “tersa frente” ng “Último adiós”? [Ang totoo, maaari ding lisain pa ang ibang sinulat ni Rizal upang titigan kung nabanggit din sa mga ito ang “tersa frente” at sa paanong paraan.]

Madaliang mapapansin na ang tinig ng “A la Juventud filipina” ay isang tinig ng paghahamón at pagganyak sa kinakausap na kabataang Filipino na itaas ang “makinis na noo” at gamítin ang mga talino upang magdulot ng karangalan sa kanilang bayan. Samantála, ang tinig ng “Último adiós” ay isang tinig ng paghahandog ng sarili para sa Inang Bayan at sa ikaapat na saknong ay mapagliming nagbabalik sa panahon ng kaniyang kabataan. Pagkakataon ito upang ipahayag niya ang kaniyang pangarap noon pa na maitaas ang karangalan (ang makinis na noo) ng pinakamamahal na Inang Bayan. Kabataan ang pinagtataas ng noo sa “A la Juventud filipina”; Inang Bayan mismo ang nais pag-alayan ng búhay ng persona sa “Último adiós” upang maganap ang pangarap niyang pagtataas nitó ng noo. May kaibhan ba? Sa antas na literal, mayroon; ngunit sa antas na simboliko, wala. Sapagkat, kapuwa para sa pakinabang ng Inang Bayan ang pangwakas na adhika ng mga pagtataas ng “tersa frente.” Na maaari ngayong gamítin bílang patunay ng sumúlong ngunit magkarugtong na pangitain ng saloobing patriyotiko ni Rizal mulang 1879 nang estudyante pa lámang siya hanggang sa bingit ng kamatayan noong 1896.

Hindi naman biglang sumibol ang pag-ibig sa bayan sa puso ni Rizal. Sa kaniyang mga sariling salaysay, nababanggit niya ang mga karanasang huhubog sa kaniyang di-karaniwang pagkamalay sa mga katotohanan sa lipunang kolonyal. Tagahanga ni Padre Burgos ang kapatid niyang si Paciano at tiyak na itinanim ni Paciano sa kaniyang isip ang kawalang-katarungang sinapit ng Gomburza noong 1872. Ang “A la Juventud filipina” ay isa sa mga preparasyon sa kaniyang “El amor patrio” (1882)—ang maituturing na unang tahas na subersibong akda ni Rizal—ang pahayag na kailangan ang “pag-ibig sa tinubuang lupa” upang maghangad ng kalayaan. Ang “El amor patrio” ang unang akdang sinulat ni Rizal pagdating sa Europa. Mula dito, tuloy-tuloy na mamumukadkad ang kaniyang paninindigang makabayan túngo sa marubdob na pag-aalay ng búhay sa “Último adiós.”

Subalit nakatimo din sa “Último adiós” ang lahat ng sanhi ng kaniyang sakripisyo—ang malulubhang katiwaliang umaalipin sa sambayanang Filipino at pinaghaharian ng mga magkasabwat na kolonyalista’t abusadong fraile. Ang mga sawimpalad at biktima ng mga pagsasamantala ang ipakikiusap ng tinig martir na “ipagdasal” (“ora”) sa ikasiyam na saknong. Kayâ lilinawin pa niya sa ika-13 saknong na ikaliligaya niya ang pagkamatay dahil batid niyang wala sa kabilângbúhay ang mga kinasusuklaman niyang katotohanan sa kasalukuyang lipunang Filipino:

Voy donde no hay esclavos, verdugos ni 

opresores;

Donde la fe no mata, donde el que reina es Dios.

Kung nanamnamin pa, mapapansin ang malakas na sikdo ng himig na mapang-uyam sa hulíng siniping kopla ng ika-13 saknong. Lalo na sa ikalimáng taludtod:

“Doon sa ang pananampalataya ay hindi ikinamamatay, doon sa ang naghahari ay ang Diyos.” Pumuslit ang damdaming Propagandista; inuuyam ang pinalaganap na kasinungalingan ng mga alagad ng Simbahan. Bílang malikhaing pagbása sa kasaysayan, sinasalungat ng pahayag sa tula ni Rizal ang kairalan. Salungat sa aral na naghahandog ng katubusan ang relihiyon, ito ang sanhi ng kasawian ng mga mamamayang Filipino. Salungat sa aral na naghahari sa Filipinas ang biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng Simbahan, makakamit lámang ang tunay na paghahari ng Diyos sa kamatayan.

Ang himig na nang-uuyam ay epektibo namang nasapol at naitawid sa wikang Filipino ng mga tagasalin. Isang buong saknong ito kay Bonifacio.

Ako’y patutungo sa walang busabos,

 walang umiinis at berdugong hayop;

 pananalig doo’y di nakasasalot

 si Bathala lamang doo’y haring lubos.


Ganito naman ang dalawang pantapat na taludtod ni G.E. Tolentino:


Tutunguha’y walang api, manlulupig, mámámatay;

Ang pagsamba’y di ninitil, si Bathala’ng Haring 

tunay.


[Pansinin din ang sustitusyon ng mga tagasalin sa pantawag na “Dios.” Pinalitan nina Bonifacio at G.E. Tolentino ng “Bathala.” Kay Bonifacio, bahagi ito ng alterasyon upang isalin ang “Último adiós” alinsunod sa adhikang Katipunero—katulad ng ginawa niyang pagpapalit ng “Katagalugan” sa “Filipinas” ni Rizal at ng “kalayaan” sa “redencion final” ni Rizal. Hindi lámang nais nina Bonifacio at G.E. Tolentino na bigyan ng katutubong pangalan ang “Dios.” Waring nais din niláng itanghal ang higit na kalayaan at ligaya sa ilalim ng sinaunang lipunan at bago pumasok ang mga kolonyalistang nagtanim ng pagsamba sa “Dios.”]

Nilalamáng Pangkultura

 

Ang “Dios/Diyos” mismo ay nagtataglay ng malakas na nilalamáng pangkultura. Mahirap itong isalin dahil pangngalang pantangi ito at tiyakang tumutukoy sa pangalan ng panginoong makapangyarihan sa lahat at lumikha ng santinakpan alinsunod sa relihiyong Kristiyano. Mula din ito sa daigdig ng kulturang Kanluranin at naiiba sa ipinantatawag sa mga panginoong panrelihiyon sa Asia, at lalo na sa mga sinasambang poon ng ating mga ninuno. Kayâ ang “Dios” sa tula ni Rizal ay hanggang ireispel lámang nating “Diyos” upang ialinsunod sa ating ortograpiya. Mahirap itong tapatán ng “Kabunyian,” “Lumawig,” o “Apò.” May pag-imahen sa “Diyos” ang mga Kristiyano na hindi matutugmaan ng ating katutubong “Kabunyian” at “Apò.” At kayâ peligroso din ang malikhain at politikal na paggamit ng “Bathala” nina Bonifacio at G.E. Tolentino para sa “Dios” ni Rizal.

Ang mahigpit na tagubilin hinggil sa kulturang nilalamán ng bawat wika ang pangunahing hadlang sa tumbasang pagsasalin. Bawat wika ay produkto ng heograpiya, kasaysayan, ideolohiya, at karanasan ng may-ari ng wika. Iba-iba ang naturang nilalamang pangkultura ng mga wika; kayâ imposibleng maisalin nang siyento porsiyento ang isang akda sa isang wika túngo sa ibang wika.

Sa dakong ito dapat ipasok ang teorya na dapat ituring ang pagsasalin bílang isang paraan ng pagpapayaman sa wikang pinagsasalinan. Ang ibig sabihin, nadadagdagan ang salita at kaalaman ng isang wika sa pamamagitan ng kulturang nakapalaman sa isinasalin. Halimbawa, walang “winter” sa Filipinas at sa gayon ay isang tantiyadong pagsasalin ang “taglamig.” Tanggapin man natin ang “taglamig,” hindi natin maisasalin ang pagkakaiba ng “snow” at ng “ice.” Nilalagom natin ito sa “yelo” na hiram din sa Español na “hielo.” O hinihiram din ang “niyébe” mula sa Español na “nieve” para “snow.” Makakalbo ang tagasalin bago siya makalikha ng higit na angkop na salin sa “snow” at “ice.” O bakâ ang higit na magaang paraan ay ang payo ngayon ng mga teoritisyan na gamítin ang “snow” at “ice”? Sa ganitong paraan, kapag tagumpay na naipasok, tinanggap, at ginamit ng mga nagsasalita sa wikang Filipino ay nakapagpapayaman ang naturang dalawang salita sa kultura at wikang Filipino.

Problema ito ng mga tagasalin sa ikatlong taludtod ng ikalawang saknong ni Rizal: “El sitio nada importa, ciprés, laurel o lirio.” Upang maging tiyak, ang listahan ng mga halamang “ciprés, laurel o lirio.” Wala pang saliksik sa botanika na nagsasabing may matatagpuang katutubong kapatid ang alinman sa tatlong halaman. Ngunit sa Kanluran, may simbolikong nilalaman ang pagbanggit ni Rizal sa mga ito. Ang “ciprés” ay isang laging-lungting punongkahoy, ngunit simbolo ng pagdadalamhati, kayâ malimit itanim sa sementeryo. Ang “laurel” ay may dahong ginagamit na pamputong sa nagwagi sa Olimpiyada at iginagawad sa makata. Kayâ ang tinatawag na “makatang lawreado” ay isang dinadakilang manlilikha ng tula. Ang “lirio” ay may malaking bulaklak na putî at inihahandog sa minamahal bílang tanda ng wagas at malinis na damdamin.

Binanggit ni Rizal ang tatlong halaman kaugnay ng kaniyang pahayag na hindi mahalaga sa isang bayani kung saan o paano siya mamatay. Hindi rin mahalaga kung mamatay nga siya (ang simbolo ng “ciprés”), mabigyan ng mataas na parangal (ang simbolo ng “laurel”), o mahandugan ng pagmamahal o paggálang (ang simbolo ng “lirio”). Sa ngayon, malaki ang tsansa na alam na ito ng mga taumbayan, lalo na ang mga edukado. Ngunit hindi pa noong panahon nina Rizal at Bonifacio. Alam na ang “laurel” dahil ginagamit na rekado sa adobo. Nakapagdalá rin ng “lirio” ang mga kolonisador at ginagamit na noon ang bulaklak na pang-alay sa Birheng Maria kung flores de mayo. Ngunit wala pa sa alinmang bokabularyo noon ang “ciprés.”

Ano ang ginawa ng mga tagasalin sa “ciprés, laurel o lirio”?

Isinunod ni Bonifacio ang kaniyang salin sa orihinal na katalogo ni Rizal. Sa popular at limbag na bersiyon ng salin ni Bonifacio, nireispel lámang ang mga pangalan ng tatlong halamang banyaga: “sipres o laurel, liryo ma’y putungan.” Kung sakali, si Bonifacio ang isa sa unang nagpakilála sa sipres, lawrel, at liryo sa ating wika. Maaari lámang ding pansinin ang idinugtong sa listahan na “ma’y putungan.” Kailangan itong gawin ni Bonifacio para sa kahingiang pantugmaan. Ngunit hindi angkop dahil hindi ginagamit na pamputong ang sipres at liryo. Higit sanang angkop kung binago ang taludtod sa ganitong paraan: “sipres man o liryo, lawrel ma’y putungan.” Ang pagpuputong ay higit na naitutukoy bílang gámit ng lawrel at nakabukod sa hindi ipinampuputong na sipres at liryo.

Ibang-iba kay Bonifacio ang taktikang ginamit ni G.E. Tolentino hinggil sa listahan ng mga halaman. Iniwasan ni G.E. Tolentino ang panghihiram. Sa halip, kinatas niya ang kahulugan ng mga inilistang pangalan ng halaman at ang pakahulugan sa mga ito ang inihanay sa taludtod na: “Kahi’t saa’y idudulot, hapis, dangal at ligaya,” at sa paraang hindi sinusuway ang orihinal na paghahanay—“hapis” para sa sipres, “dangal” para sa lawrel, at “ligaya” para sa liryo. Lehitimo ang naturang taktika, lalo na’t ang pangunahing adhika sa pagsasalin ay paglilipat ng semantikong impormasyon. May magsasabing higit pa ngang matulain at higit na madalîng unawain ang pagsasalin ni G.E. Tolentino. Ngunit nasaan ang nilalamáng pangkultura ng orihinal? Hindi magagamit sa palitang pangkultura ang taktika ni G.E. Tolentino. At ganito rin ang masasabi sa hindi malî ngunit ganap nang kinatas ang diwa ng orihinal na pagsasalin ni P.H. Poblete:

Hirap ay di pansin at di agam-agam

 Ang pagkaparool o pagtatagumpay.

Samantála, naglalaro sa pagitan ng mga taktika ni Bonifacio at ni G.E. Tolentino ang pagsasalin ni J.C. Balmaseda sa katalogo ng mga halaman ni Rizal: “Walang kailangan ang pook, ang sipres, putong o bulaklak.” Pinanatili ang sipres, ngunit pinilìng ihanay ang kinakatawang “putong” at “bulaklak” ng pangkinatawang lawrel at liryo. Gayunman, maaaring ihaka na may katulad siyang saloobin nina G.E. Tolentino at P.H. Poblete. At kayâ maaaring hindi lámang niya matukoy ang kinakatawan ng sipres kayâ pinanatili ito

 Sa tagpong ito, mistulang isang balintuna ang pahambing nating pagsisiyasat sa apat na pagsasalin ng “Último adiós.” Lumilitaw pang higit na nakabukás sa pagpapasok ng wika ng banyagang kultura si Bonifacio kaysa kina P. Poblete, J.C. Balmaseda, at G.E. Tolentino na pawang may higit na pormal na edukasyon sa kulturang Kanluranin.

Narito ang isang hakang paliwanag. Isang rebolusyonaryo si Bonifacio, at bahagi ng kaniyang rebolusyonaryong ideolohiya ang paggigiit sa kulturang katutubo upang isalungat sa kulturang kolonyalista. Maaari itong isagisag sa kaniyang paggamit ng “Katagalugan” kapalit ng “Filipinas,” ng sinaunang “Bathala” kapalit ng Kristiyanong “Diyos,” ng “mutya” kapalit ng “perla” at upang ipagunita ang isang orihinal na ngalan para sa kariktang mula sa dagat, ng katutubong “dalít” kapalit ng ordinaryong “cantico,” ng “kalayaan” kapalit ng Kristiyanong “redencion final.” Ngunit hindi siya bulág sa posibilidad ng epektong pampalusog sa wika ng kulturang banyaga. Hindi siya nangingiming manghiram kung kailangan, halimbawa, ng “berdugo” upang higit na tumindi ang mapaminsalang imahen ng dayuhang mananakop, ng “gitara (bagaman hindi ng “citara”) at salteryo” kung bahagi na ito ng kulturang popular at mahirap palitan pa ng “kudyapi” at “kundiman,” ng “kurus” kahit isa itong pangunahing simbolong Kristiyano ngunit wala namang katapat sa sinaunang pagsamba. Hihiramin din niya ang sipres, lawrel, at liryo upang magdagdag ng kulay sa kaniyang wika, lalo’t hindi naman nagtataglay ang mga ito ng kahulugang salungat sa ideolohiyang Katipunero.

Dahil hindi naman nag-aral, hindi nasimsim ni Bonifacio ang malaganap na kaisipan noon hinggil sa pagsasalin at maaaring natutuhan naman ng mga edukadong tagasalin na tulad nina P.H. Poblete, J.C. Balmaseda, at G.E. Tolentino. Ito ang tíla kredo noong sapilitang paghahanap ng pantumbas na salita sa wikang pinagsasalinan para itapat sa anumang salitâng ginamit sa akdang isinasalin. Tinawag ko itong “lunggating Dryden” dahil naging pangunahing teoritisyan ng adhikang ito si John Dryden sa panahong naging masigasig ang mga makata ng England na isalin sa wikang Ingles ang mga klasika ng wikang Griego-Romano. Ipinalagay niyang wika ng superyor na kultura ang Griego-Romano kayâ itinuring niyang hámon para sa mga makatang Ingles na matumbasan ng salitâng Ingles ang mga isinasaling klasika at upang mapatunayan ang kapasidad ng wikang Ingles na maipantay sa mataas na katangian ng wikang Griego-Romano. Kaipala, ganito rin ang sikolohikong saloobin ng mga tagasalin ng “Último adiós” sa bungad ng ika-20 siglo. Maaaring pangunahin sa kanila ang layuning mailapit sa puso ng taumbayan ang tula ni Rizal. Ngunit bahagi ng kanilang tungkulin ang “lunggating Dryden” at upang maipantay ang wikang Tagalog (na katutubo at itinuturing siyempreng imperyor) sa wikang Español (na wika ng pandaigdigang sibilisasyon).

Dapat linawin na isang marangal na pamantayan ang “lunggating Dryden” sa pagsasalin. Gayunman, maaari din itong maging sagwil sa pagpapalusog na pangkultura ng wikang pinagsasalinan. Nagkakaroon ito ng hibong konserbatibo kapag lubhang nagsisikap na tumbasan ng katutubo ang anumang mula sa ibang wika.

Tandaan ang sanhi ng problema: “lubhang nagsisikap.” Magandang pangwakas na halimbawa sa problemang ito ang praseng “dulce extrangera” sa pangapat na taludtod ng hulíng saknong ng “Último adiós.” Isang malaganap nang palagay na tinutukoy ng prase si Josephine Bracken na pinag-ukulan ni Rizal ng espesyal na pamamaalam bílang “mi amiga, mi alegría.” Isinalin ito sa isang buong taludtod ni P.H. Poblete: “Taga ibang lupang aking catowaan.” Halos katulad ang salin ni J.C. Balmaseda na “taga-ibang lupang aliw ko’t katuwaan.” Samantála, isinalin itong “dayong tangi” at dinugtungan ng “aking aliw, aking sinta” ni G.E. Tolentino. 

Wasto naman ang “taga-ibang lupa” at “dayo” bílang pantumbas sa “extrangera.” Ngunit ano ang ginawa ni Bonifacio? Ang salin niya sa buong taludtod ni Rizal: “Paalam, estrangherang kasuyo ko’t aliw.” Hindi niya binago ang terminong Español ni Rizal, nabago lámang ang anyo upang isunod sa palabigkasang Filipino. Extrangera=estranghera. Hindi lámang marahil dahil nais panatilihin ni Bonifacio ang orihinal na bansag ni Rizal sa minamahal na Inglesa. Nais din niyang ipabatid sa atin na noon pa ay isang tinatanggap na’t hindi banyaga sa ating dila ang salitâng “estranghera.” Ang haka nga ni Dr. Edgar C. Samar nang pag-usapan namin ito ay ganito: Hindi sarado sa nagmumula sa labas ang loob ni Bonifacio. Ang radikal na kalooban ng Katipunerong si Bonifacio ay waring may pilas ng puso na tumanggap din ng anumang kapaki-pakinabang mula sa labas (mula sa ibang kultura), alang-alang sa pag-unlad ng nilalamang pangkultura ng kaniyang katutubong lupa.

Hindi nangangahulugang nakahihigit ang salin ni Bonifacio sa salin nina P. Poblete, J.C. Balmaseda, at G.E. Tolentino. May kani-kaniyang katangian ang apat na salin. Dapat ding ituring na personal ang aking paglasap sa linamnam ng kanilang salin. Maaaring may lumitaw na iba at salungat na paglasap. Ang higit na mahalaga ngayon ay maipatalastas na isang mahirap at masalimuot na trabaho ang pagsasaling pampanitikan. Kung iginagálang ng tagasalin ang paggamit ng wika at kaalaman ng isinasaling awtor, kailangan niyang pag-aralang mabuti ang lahat ng laro-sa-salita at saliksikin ang daigdig na nakapaloob sa akda bago siya umupô upang magsalin. Sa ganitong paraan ay higit siyang nakatutulong sa pagtatawid ng kahulugan at kasiyahang pampanitikan sa kaniyang pinagsasalinang wika at inaasahang mambabasá

Almont Inland Resort Hotel 

Lungsod Butuan 

14 Disyembre 2015 



NATUTUHAN/ NATUTUNAN ni Virgilio S. Almario

 [Isinulat noong 15 Set 2015 at bahagi ng aklat na Kulo at Kolorum (2020)]


NABÁSA KO KAMAKAILAN ang pagsisikap ng isang Linggwistasero na ipatanggap ang kawastuan ng “natutúnan.” Nagsisimula siyá sa pagtatanong. Alin ba ang tama: “natutúhan” o “natutúnan”? Ang sagot niya, parehong tama. At tama siyá, dahil kapuwa ginagámit ng mga tao ang naturang dalawang anyo. Tama ang “natutuhan” dahil gumagámit ito ng alam nating hulapi na +HAN para sa salitâng “túto.” Ngunit bakit tama ang “natutúnan” samantalang wala naman táyong nagpag-aaralang hulapi na +NAN?

Dito ipinasok ng ating Linggwistasero ang kaniyang hakàng “tambalang hulapì” at wika niya’y ang sumusunod: +ANAN, +ANIN, +INAN, at +ININ. Magulo ang kaniyang paliwanag at hindi naman pumasok sa kaniyang talakay ang kaso ng +NAN. [Tatalakayin ko ang tungkol sa kaniyang konseptong “tambalang hulapi” sa susunod na bahagi ng artikulong ito.]

Matagal ko nang sinusuri ang kaso ng “natutúnan” mula nang marinig ko ito sa TV. Dahil wala namang hulaping +NAN sa balarilang Tagalog, dapat litisin ang naging paggámit nitó sa pagbuo ng “natutúnan.” Nakaligtaan lámang bang ilahok ang +NAN sa listahan ng mga panlapi ni Lope K. Santos? O isa lámang itong aberasyon, isang anomalyang pangwika na bunga ng isang namalîng bigkas ngunit lumaganap? Sa aking pagbabalik sa nakalathalang mga dokumento, hindi ko nasumpungan ang “natutúnan” hanggang nitóng nakaraang tatlong dekada lámang. Mula sa panahon ni Balagtas at hanggang sa dekada 80 ay “natutúhan” lámang ang lumilitaw sa limbag na panitikan.

May lumilitaw ba namang ibáng salitâ na ginamítan ng +NAN? Mayroon. May apat na salitâ na tiyakang ginamítan ng +NAN mula sa bokabularyong Noceda at Sanlucar: ang “katotohánan,” “kasalánan,” “tawánan (katatawanán),” at “nakayánan.” Idadagdag ko ang mas kamakailang “talúnan,” “napalúnan,” “paanán,” at “ulunán.” Ang ibáng nakíta kong sampol ay bunga ng pagtitipil. Halimbawa, ang “tangnán” na kinaltasang “tangan+an,” “sapnán” na mula sa “sapin+an,” “datnán” na mula sa “datíng+an,” “kúnan” na mula sa “kuha+han,” “tingnan” na mula sa “tingin+an,” “kabihasnan” na inimbento sa panahon ng Americano mula sa “ka+bihasà+an” at kaanyo ng matandang “nakamihasnan.”

Sa apat na matandang anyo mula sa Noceda at Sanlucar, ang “nakayánan” ang unang maaari kong ituring na lehitimong gamit ng +NAN. Nabuo ito sa “na+káya+nan.” Walang naganap na pagtitipil. Gayunman, isang aberasyon ang salitâ, dahil maaari namang ipahayag ang ibig sabihin sa pamamagitan lámang ng “nakáya.” Walang pagkakaiba ang “nakáya” at “nakayánan” sa kahulugan. Sa gayon, ang +NAN sa “nakayanan” ay mistulang isa lámang dagdag na pantig.

Kasong “Katotohánan”
Naiibá ang kaso ng “katotohánan.” Noon pang ilimbag ang unang edisyon ng UP Diksiyonaryong Filipino (2001) ay ipinatukoy ko nang binubuo ito ng salitâng-ugat na “totoó” at naiipit ng isang unlapi at dalawang hulapi, kayâ /ka+totoo+han+an/ ang kabuoan. Ibá ito sa posibleng unang pormasyon na “katotóhan” /ka+totoo+han/ na nangangahulugang “pagiging totoo.” Samantala, ang “katotohánan” ay isang pagtiyak sa kaganapan ng isang totoo.

Ang dalawang hulapi sa “katotohánan” ay maaaring katulad ng tinatawag na “tambalang hulapi” ng ating Linggwistasero. Ngunit segurado akong ang magkasunod na +HAN at +AN ay hindi ang inilista niyang +ANAN, +ANIN, +INAN, +ININ. Sa halip, dapat isipin na talagang nagaganap sa Tagalog ang pagkakaroon ng dalawa o mahigit pang panlapi para sa isang salitâng-ugat. Hindi pinapansin, ngunit malimit itong maganap sa mga unlapi at nagdudulot ng pagbabago ng kahulugan sa salitâng-ugat. Tandaan: Ang pagbabago sa panlapi ay nagdudulot din ng kaukulang pagbabago sa kahulugan ng nilalapiang salitâ. Halimbawa, ang salitâng “lákad” ay maaaring unlapian ng MA+ at maging “malákad.” Ang MA+ ay maaaring dagdagan ng KA+ kayâ ang “malákad” ay magkakaanyong “makalákad.” Puwede pa nating idagdag ang PAG+ upang mabuo ang “makapaglakád.” Magagawa rin ito gámit naman ang MAG+ para sa “maglakád” na maaaring pahabain at maging pangmaramihan sa pamamagitan ng MAGSI+ “magsilakád,” o MANGAG+ “mangaglakád,” o MANGAGSI+ “mangagsilákad,” o MANGAGSIPAG+ “mangagsipaglakád.”

Sa mga nabanggit na kaso, hindi lámang “tambalan” kundi “tatluhan” pa ang mga unlapi. Sa ganitong pangyayari, ang pagkakaroon ng mahigit sa isang hulapi ay hindi kataká-taká.

Naganap ang gayong magkasunod na hulapi sa “alalahánin,” gaya ng ibinigay ding halimbawa ng ating Linggwistasero. Ngunit hindi sa anyong “alalah+anin” tulad ng suri niya. Sa halip, “alala+han+in.” Lilinaw ang aking suri kapag inihatag ang anyo ng “alála” kasáma ang unlaping PA+ at hulaping +HAN: “paalaláhan” /pa+alala+han/ na pinagmumulan ng higit na komplikadong anyong may magkasunod na hulaping +HAN at +AN: “paalalahánan” /pa+alala+han+an/. Ang “paalaláhan” at “paalalahánan” ay may mga anyo at pagpapakahulugang katulad ng “katotóhan” at “katotohánan.”

Mga Anyo ng “Tálo”
Ang kaso ng “talúnan” at “napanalúnan” ay kawangking-kawangki ng “natutúnan.” Mula sa salitâng “tálo” ang dalawa, at isa sa nakatutuwang pangyayari sa ating wika, dahil ang salitâ ay naging ugat ng magkakaibá, at (mas nakatutuwa) magkasalungat na mga salitâ: “taló,” “pagtatálo,” “panálo.” Ang “tálo” ay bigo; ang “panálo” ay nagtagumpay. Batay sa naturang magkahiwalay na resulta ng isang paligsahan o labanan, may palagay ako (palagay lámang dahil kailangan pang saliksikin) na ang ugat ng dalawa ay nása kahulugan ng “tálo/taló” bílang ugat ng “pagtatálo” at “pagtataló.” Ang “pagtatálo” ay pag-uusap nang nagpapaliwanagan hinggil sa magkasalungat na paniniwala o paninindigan. Kahawig ito ng tinatawag natin ngayong “debáte” mula sa Español. Ang “pagtataló” ay may gayunding sitwasyon ngunit may higit na agresibong himig. Hindi lámang nagpapaliwanagan ng tindig ang magkabilâng panig; sa halip, umabot na silá sa antas ng di-pagkakasundo kayâ malamáng nang mag-away. Ang “magkataló” samakatwid ay nakahanda nang idaan sa santong paspasan ang pinag-uusapan pa lang ng “magkatálo.” Gayunman, ang “tálo” at “panálo” ay kapuwa resulta ng “pagtatálo” at “pagtataló”; maliban kung may mamagitan o umawat sa salungatan at sikaping magkasundo ang magkabilâng panig.

Ang “talúnan” /tálo+nan/ at “napanalúnan” /napang+tálo+nan/ ay bahagi ng magkasalungat na paggámit sa “tálo.”

Nang sabihin kong kawangking-kawangki ng dalawa ang kaso ng “natutúnan,” nais kong tukuyin ang pangyayari na aberasyon din lámang ang +NAN sa “talúnan” at “napalúnan.” Higit na angkop gamítan ang mga ito ng hulaping +HAN upang maging “talúhan” at “napanalúhan.”

Kasong Ulo at Paa
Samantala, kaagad kong naituring noon na aberasyon ding tulad ng “talunan” at “napanalunan” ang “ulunán” at “paanán.” Ngunit magandang titigang muli ang mga ito at ihambing sa mga anyo niláng “uluhán” at “paahán.” May gámit ang “uluhán” at “paahán” na ibá sa “ulunán” at “paanán.” Ang “uluhán” ay maaaring tumukoy sa anumang paglalaban o paligsahan na ginagamítan ng ulo. Halimbawa, “Uluhán ang labanan sa klase.” Ang ibig sabihin, pagalíngan ng ulo o pataasan ng talino ang kailangan para magtagumpay sa klase. May anyo at bigkas ding “pááhan” at maaaring tumukoy sa paligsahang ginagamítan ng paa. Halimbawa nga’y nangyari na naputulan ng mga kamay ang dalawang mandirigma, ano ang gagawin nilá para ipagpatuloy ang paglalaban? “Nauwi sa uluhán at pááhan ang duwelo.”

Bukod pa, ang “uluhán” at “paahán” ay maaari ding ituring na mga anyong pang-uri. Sa gayon, ang “uluhán” ay maaaring paglalarawan sa isang bagay o nilikha na “malakí ang ulo”; gayundin naman, ang “paahán” ay maaaring isang pang-uri sa “malakí ang paa” o “maraming paa.” Natatandaan kong paborito namin noong paslit kami na makakíta ng gagambang “uluhán” dahil tiyak daw na matapang. Siyempre, tinatawag na “paahán” ang alupihan.

Aberasyon at Di Malî
Ngayon, ang pagtuturing na aberasyon ang “natutúnan” ay hindi nangangahulugang ito ay malî. Marami nang ibáng aberasyong naganap sa ating wika at marami pang ibáng maaaring maganap bunga ng sari-saring sanhi. Ang aberasyon ay aberasyon. Mahalagang malaman ng lahat na ito ay aberasyon. Ang hindi maganda ay ang pagpipilit ng mga Linggwistasero na ito ay tama. Sa lingguwistika, wika nilá, lahat ay tama. Anumang pagbabago sa bigkas ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng mga nagaganap na pagpoposisyon sa dila at ngala-ngala hábang nagbubugá ng hangin sa loob ng bibig.

Sa puntong ito nagkakaibá ang mga nagtuturo ng gramatika at mga editor sa isang panig at ang mga alagad ng descriptive linguistics sa kabilâng panig. May mga tuntuning dapat sundin upang episyente at mabilis maituro ang pagbubuo ng salitâ sa mga estudyante. May preperensiya ang isang editor na ipinasusunod sa mga manunulat kapag may dalawang varayti. Sa gayon, pipilì lagì ng maituturing na “wasto” ang nagtuturo ng gramatika at ang editor kapag may dalawa o mahigit pang pagpipilian. At pipiliin nilá tiyak ang anyo ng salitâ na maaaring ipaloob sa isang pangkalahatang tuntunin. Upang mas madalîng maituro sa mga estudyante sa paaralan at upang mas madalîng masunod ng mga reporter at asistant sa isang publikasyon. Ituturo ng guro at iuutos ng editor ang baybay ng salitâ na may mapagsasaligang tuntunin, alinsunod sa pangkalahatang gramatikang wika—ang tinatawag na “anyong estandardisado” at itinuturing na “wastong anyo”—hindi ang baryasyon o varyant. Sa ganitong paraan, hindi sinasabing “malî” ang varyant ngunit hindi kailangang ituro ng guro o ipasúlat ng editor kung makaaabala lámang sa gawaing pampaaralan o sa mabilisang trabaho sa pasulatan.

[Ang totoo, ang diskusyon hinggil sa kaso ng “natutunan” at ibá pang tulad nitó ay higit sanang makatuturang pag-usapan sa klase sa lingguwistika o sa seminar ng mga eksperto sa wika. Hindi sa malakihang mga kumperensiya, dahil malimit na nauuwi lámang sa debate ng mga guro na hindi gaanong nakahanda para sa gayong paksang nangangailangan ng maingat na saliksik.]

Ano ba ang maaaring sangguniing tuntunin sa pagbuo ng salitâ na may hulaping +NAN? Wala. Ang tanging minemorya ng mga disipulo ng Linggwistasero ay ang paliwanag sa lingguwistika hinggil sa suprasegmental. Na hindi tuntuning panggramatika hinggil sa paggámit ng hulapi, kundi isang pangkalahatang paliwanag hinggil sa pagbabago ng bigkas sa salitâ dahil sa diin, intonasyon, habà, atbp. Kung sakali, ayon sa mga naririnig kong paliwanagan sa mga seminar, sinasaklaw din nitó kung bakit nagbabago ang mga titik sa salitâ—halimbawa, nagiging L ang R o viseversa, nagiging M ang N o viseversa—dahil sa ibá-ibáng nakasanayang pagbigkas ng mga pangkat ng tao.

Ngunit hindi isang tuntunin ang suprasegmental kung bakit ang +HAN ay nagiging +NAN.

Nais ko pang idagdag: Kahit sa mithiing payamanin ang wikang Filipino ay hindi nararapat ang pagpipilit na ipagámit ang “natutúnan.” Yumayaman ba ang wika dahil sa “natutunan”? May naiibá ba itong gampanin kaysa lehitimong “natutúhan” alinsunod sa balarila? Kung wala, isa lámang balakid ang “natutúnan”; isa lámang aksaya ng panahon para mas maituon ang ating pansin at talino tungo sa pagtalakay ng ibá’t higit na kapaki-pakinabang na usaping pangwika.

Problema sa “Kasalánan”
Ngunit malakíng problema ang “kasalánan” at “tawánan (katatawanán).” Mula pa sa bokabularyo nina Noceda at Sanlucar ay ganito na ang anyo ng mga ito. Wala akong nakaengkuwentrong “kasalahan.” Paminsan-minsan, may “tawáhan” ngunit walang “katatawahan.” Ang ibig sabihin, may dalawa táyo ngayong kaso ng paggámit sa anyo ng hulaping +NAN na hindi maituturing na baryasyon lámang ng +HAN.

Ngunit sapat ba ang ganitong dalawang sampol upang ipanukala nga natin na isang lehitimong hulapi ang +NAN?

Sa aking paningin, hindi. Sa katunayan, hindi sapat ang naturang halimbawa, kahit isáma ang “natutúnan,” upang maigawa ng isang malinaw na tuntunin kung kailan ginagámit ang +NAN o kung kailan man lámang nagiging +NAN ang +HAN. Higit na mabuti para sa episyenteng pagtuturo ng panlapi na ituring ang +NAN bílang isang aberasyon, lalo na sapagkat ang paglitaw nitó sa “natutúnan” ay hindi naman nakapagpapabago sa kahulugan ng “natutúhan.”

May ibá pa bang paliwanag?
May pagkakataóng pinaglaruan ko ang hakà na ang +NAN ay bunga ng pagtipil sa magkasunod na +HAN at +AN. Malinaw ang naturang pangyayari sa “katotohanan.” Kapag tinanggap natin ang “tawáhan,” maaari ding palitawin na ang “katatawanan” ay bunga ng naturang pagtitipil sa magkasunod na hulapi at may ganitong banghay /ka+tatawa+han+an/ at kagaya ng nangyari sa “katotohanan.” Ngunit walang naganap na pagtipil sa +HAN at +AN upang maging +(HA)N+AN o maging +NAN sa kaso ng “kunan” mula sa /kuha+an/. Itinuturing ko ring mahirap patunayan na nagkaroon lámang ng pagtitipil ng +HAN at +AN sa kaso ng “kasalánan.” Ngunit bakit hindi maaari? Kung may anyong “pagkakasála,” maaaring may anyo noong “pagkakasaláhan.” Sa gayon, ang mas maikling “kasalánan” ay posibleng bunga rin ng tinipil na +HAN at +AN.

Subalit ang gayong paghakà sa naganap na pagtipil sa “kasalanan” ay hakà ko lámang. Hindi ko rin nais ipilit ang hakà kong ito, dahil wala naman akong interes na palitán ang “kasalanan” ng “kasalahan.”

Dagdag na Hakà at Pagsubok
Isang magandang hakà ang kay Fray Gaspar de San Agustin sa Compendio del arte de la lengua tagala (1703, ginámit ko ang ikatlong edisyong 1878). Pinag-aralan niya ang singkopa at kontraksiyon sa wikang Tagalog at gumawa ng isang listahan ng mga alam na natin ngayong mga kaso ng pagkakaltas, paglilipat, o pagpapalit ng mga titik sa isang salitâ bunga ng tinatawag natin ngayong pagtitipil: damahin=damhin, atipan=aptan, bukasan=buksan, dakipin=dakpin, higitan=higtan, tanim=tamnan, atbp. Nakaengkuwentro din niya ang +NAN ngunit inisip niyang isang uri naman ito ng adisyon. Isinisingit ang titik na N bago ang hulaping +AN at +IN. Sa gayon, itunuturing niya ang /talu(n)an/ bílang pinagmulan ng “talunan” at ang /ka+sála+(n)an/ bílang orihinal na anyo ng “kasalánan.”

Samantala, isang nais kong ipanukalang pagsubok sa gámit ng +NAN ay ang pangyayari na ang hulaping +HAN at +AN ay may mga kapatid na +HIN at +IN. Ang mga salitâng may hulaping +HAN at +AN—halimbawa, pulá+han, tulâ+an,sábi+han, áwit+an, guló+han—ay may anyong nása +HIN at +IN, gaya ng pulá+hin, tulâ+in, sábi+hin, áwit+in, gulo+hin. May anyo bang +NIN ang salitâng nahulapian ng +NAN?

May anyo bang “katotohanin,” “kasalanin,” “tawanin,” “paanin,” “ulunin”? Parang wala. May “talunin” at “panalunin” ngunit higit na marami ang maeengkuwentrong kaso ng “taluhin” at “panaluhin.” Ang “katotohanan” ay may anyong “totohanan” at “totohanin” at maaaring magkaroon ng anyong “katototohan” ngunit wala pang maririnig na “katototonan.” May nagsasabi ding “kakayanin” ngunit marami ang nagsasabing “kákayáhin.” Kapag may pinalalakas ang loob para sa isang mahirap na tungkulin, ang lagìng payo: “Káya mo iyan!” Walang nagsasabing: “Kayanan mo iyan!”

Nagpapakíta ang pangyayaring ito na may higit na pleksibilidad ang hulaping +HAN at +AN kaysa hulaping +NAN. Magtatagal pa, kung sakali, upang makapagpakíta ng gayong salimuot ang +NAN. At samantalang hindi pa dumaratíng ang panahong iyon ay higit na mainam na ituring ang iilang salitâ na nagagamítan ng +NAN na bunga ng isang aberasyong pangwika.

Maaaring may ibá pang hakà hinggil sa ating tinatalakay na problemang hulapi. Napakahalaga ng maingat at masinop na saliksik sa ganitong mga kasong pangwika. Ang ibig kong sabihin, higit na makabubuting balikan ang kasaysayan ng ating wika at ang naging mga pagsusuri sa problema ng mga nagdaang dalubwika. Sa halip na pakinggan agad ang mga mababaw at minadalîng obserbasyon ng mga Linggwistaserong nais lámang palaganapin ang anumang baryasyon sa ngalan ng baryasyon. Kahit na ang mga naturang baryasyon ay nakagugulo lámang sa maayos na pagtuturo ng wika at walang-walang kabuluhan tungo sa pagpapayaman at pagpapalusog ng ating pinalalaganap na Wikang Pambansa.

ctto


Ferndale Homes
15 Setyembre 2015

KULTURA ANG ISINASALIN ni VIRGILIO S. ALMARIO

WALANG MÉSA ANG bahay-kubo ng ating mga ninuno. Sa halip, may dúlang silá o látok, karaniwang isang parihabang hapag, mababà, kayâ nakasalagmak silá sa sahig kapag kumakain. Ang mésa ay isang muwebles na Español, katulad ng dúlang ang lapad ngunit may apat na paa, hanggang baywang ang taas, at kayâ kailangan ang silyang upuan kapag kumakain.

Hindi itsura lang ang ikinaibá ng mésa sa dúlang. Hindi rin lang ang nadagdag na salitâ sa ating wika. Bahagi ito ng isang reoryentasyon sa paraan ng pagkain na naganap sa loob ng tatlong siglo ng kolonyalismo. Itinurò ng mésa ang pangangailangang nakaupô sa silya hábang kumakain. Mas mainam ba ito sa kalusugan kaysa pagkain nang nakasalagmak sa sahig? Hindi natin inalám. Bagaman marahil higit na maginhawa ang nakaupô sa silya kaysa sahig. [O marahil mas nasánay na táyo ngayong nakaupô sa silya kayâ hindi na makatagal sumalampak sa sahig?] Subalit itinurò din ng mésa ang wastong paggámit ng plato, ng tenedor at kutsara, at kung mayroon, ng serbilyeta. Itinurò din ng mésa ang paghigop ng sabaw sa tása, ang paghiwà sa prito, pagpiraso sa morkon, pagkuha sa kályos, at wastong pagbawas sa ibá pang putahe bukod sa nagisnang sinigang, inihaw, at tuyô.
Sinasabing libo-libong salitâng Español ang napasalin sa mga wikang katutubong nagkaroon ng engkuwentro sa kapangyarihang Español. Isa sa mga pamána ng kolonyalismo. Hindi natutuhan ng mayorya sa mga Indio ang naturang mga salitâ sa pamamagitan ng pormal na edukasyon. Malimit na narinig lang nilá, naranasan, tinandaan, kahit na malî ang pakinig at kahit na malî ang pagkaunawa, at isinalin sa kaniláng mga anak, hanggang makarating sa atin ngayon. Sa ganoong paraan natin namána ang isinaling wikang Europeo na dinalá dito ng kolonyalismo. Ngunit tulad ng mésa, hindi salitâ lang kundi kultura at kaalámang Europeo ang isinalin sa mga wikang katutubo ng Filipinas. Bawat salitâng Español sa ating dilà ngayon ay isang piraso ng búhay, pamumuhay, at kasaysayan sa Europa, isang piraso ng sibilisasyong bagaman maaaring hindi natin ganap na naiintindihan ay lumukob at umapekto sa ating kamaláyan at sariling kasaysayan.
Hindi ito isang di-sinasadyang pangyayári. Sinadya ng mga Español ang pagsákop sa Filipinas, at alám nilá na nakatakdang maganap ang naturang pagsasalin. Hindi man nilá pinilit ang mga Indio na mag-aral ng wikang Español, sapilitang kailangang makinig at unawain ng Indio ang sinasabi ng fraile o sundalong Español upang hindi mapagalitan o maparusahan. Hindi man sinikil ang katutubong wika, paglipas ng mahabàng panahon, nakatakdang malímot ng Indio ang sariling bokabularyo dahil kailangang higit niyang memoryahin ang bawat pahayag ng panginoong mananákop. Sa gayong pangyayári, malimit na ang pag-unlad ng sariling wika ay dulot lámang ng hiniram o isinalin mula sa wika ng pananákop.
Ang paghiram o pagsasalin ay hindi rin isang paglalarô. Posibleng may mga masayáng anekdota tungkol sa aksidenteng pagkalikha ng isang salitâ mula sa nagkakabit na katutubo at banyaga. Posibleng may mga distorsiyon sa pagsasalin dahil sa di-wastong bigkas o naligaw na pantig. Subalit sa pangkalahatan, idinagdag ng Indio sa kaniyang wika ang natutuhang mga salitâng banyaga dahil kailangan niya para mabúhay sa loob ng kaayusang kolonyal.
Ano kayâ’t sapilitang pinalaganap ng mga kolonyalista ang wikang Español sa Filipinas? Nagkaroon kayâ ng rebelyong pangwika, na tulad ng pag-aalsa nina Tamblot laban sa sapilitang pagkakalat ng Kristiyanismo? O mas minahal sana ng Indio ang kolonyalismong Español dahil sa karunungang matatamasa mula sa banyagang wika?
Mahirap manghulà. Posibleng may lumitaw na Tamblot at ibulgar ang edukasyon sa wikang Español bílang isang pakanâ para sakupin ang ísip ng Indio. Posible namang magkampanya pa ang mga kabataang Indio, tulad ng mga estudyante sa Fili, para paghusayin ang pagtuturò ng wikang banyaga. Posible ring maniwala ang Indio, gaya ng mga pensiyonadong pinag-aral sa United States, na kailangan ang wika ng mananákop para makaahon sa kamangmangan.
Subalit may mananákop bang buong pusòng maghahangad ng kaligtasan at kaunlaran ng sinákop?
Isang siglo na táyong nagtitiwala sa mapagpalàng “benevolent assimilation” ng mga Americano. Mas maunlad kayâ táyo ngayon kung hindi nagtiwala sa pangako ni McKinley at sa pangarap niyang Ingles ang maging wika ng buong Kapuluan?
Tingnan ninyo, paano pumasok sa wika natin ang table? Itinurò sa paaralan na Ingles ang wika ng pagtuturò. Ngunit ang unang popular na gámit nitó ay di singkahulugan ng mésa. Ginámit ito ng mga ginoong mahilig maggudtaym sa kabaret at sa anyong pandiwa: “Magteybol ka,” alok sa kanilá. Ang ibig sabihin, bumayad ng isang hostes para aliwin silá. Uupô silá sa paligid ng isang munting mesa, kasáma ang hostes na may tungkuling magiliw siláng kausapin hábang umiinom at kumakain, at hábang may pera siláng panggastos sa magdamag.
Dalá ng mga Americano ang teybol kasáma ng kabaret, hostes, wiski, at jazz. Maraming Pinoy ang hindi nakalagpas sa teybol na ito. Sana man lang nakapasá sa multiplication table. Ni hindi nga mareispel: “multiplikeysiyon teybol”? Mabuti pa ang operating table, kahit napakamahal, may salin sa—“hapag-tistisan.” Kontento na táyo sa balbal na pulis, istambay, bulakbol, resbak, korap, at bossing. Gaano nga ba kataas ang karunungang Americano na naisalin sa atin ng Ingles?


Ferndale Homes
28 Mayo 2021

ANG WIKA NG PAGSASALIN - VIRGILIO S. ALMARIO

 (M)ay dalawa lámang (paraan sa pagsasalin). Maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang awtor, hanggang posible, at pakilusin ang mambabasá túngo sa kaniya; o maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang mambabasá, hanggang posible, at pakilusin ang awtor túngo sa kaniya.

                                                                                          –FRIEDRICH SCHLEIERMACHER (1813)


Ang pagsasalin ay iniaayon sa mga salita kapag ito’y mauunawaan, at ginagawang malaya naman kapag iyon ay may kalabuan datapua’t hindi lumalayo kailanman sa kahulugan.

                                                                                           – PACIANO MERCADO RIZAL (1886)


Tulad ng gawaing pampanitikan, wika ang pangunahing kasangkapan sa pagsasalin. Sa isang pagtanaw, mas mahirap pa ito kaysa gawaing pampanitikan, dahil dalawang wika ang dapat pagpakadalubhasaan ng tagasalin sa ordinaryong sitwasyon. Kailangang dalubhasa siya sa Simulaang Lengguwahe (SL) o ang wika ng isinasaling akda, at ng Tunguhang Lengguwahe (TL) o ang wikang pinagsasalinan ng akda. Wika nga ni John Dryden para sa sinumang nais magsalin ng tula, kailangang “bukod sa isang henyo sa naturang sining ay (kailangang) dalubhasa kapuwa sa wika ng kaniyang awtor at sa kaniyang sarili. Hindi rin kailangang nauunawaan lámang natin ang wika ng makata kundi maging ang kaniyang natatanging takbo ng isip at paraan ng pagpapahayag, na mga katangiang ikinabubukod at sa ganoong paraan ay ikinaiiba niya sa lahat ng ibang manunulat. Kapag isinaalang-alang natin ito, kailangang isaloob natin na ibagay ang ating henyo sa kaniya, na idulot ang takbo ng kaniyang isip alinsunod sa kaniyang takbo ng isip, at kung ipahihintulot ng ating dila, o kung hindi man, bahagyang ibahin ngunit hindi ang kasuotan, at lalo nang hindi iibahin o sisirain ang sustansiya.”

Bílang alagad ng Wikang Pambansa ay malimit kong makaengkuwentro ang isang pangunahing problema sa pagsasalin. Lalapit ang isang reporter at magtatanong: “Ano ba ang journalism sa Filipino?” Sa mga seminar, laging itinatanong ng mga titser: “Wasto bang itawag ang ‘punong-guro’ sa prinsipal?” At durugtungan pa ng: “Alin po ang tamang baybay? ‘Punong-guro,’ ‘punongguro,’ o ‘punungguro’?” Isang mambabatas ang mag-uusisa: “Bakit walang katumbas sa Filipino ang jus sanguinis?” Medyo nantetesting na idudulog naman ng estudyante: “Kelan po ba mainam gamítin ang ‘metamorposis’ at kelan ang ‘banyuhay’?” 

Kung tutuusin, pinatutunayan ng mga binanggit kong engkuwentro ang katotohanan ng sinabi ni Roman Jakobson na hinaharap natin araw-araw sa iba’t ibang okasyon ang pagsasalin. Nakatanghal din sa mga pinilì kong sitwasyon ang salimuot ng mga dapat isaalang-alang sa pagsasalin. Ngunit nais ko ring ituon ang ating pansin sa matanda’t pangunahing problema ng tagasalin— ang paghahanap ng wasto at angkop na pantumbas sa isinasaling salita. Malimit na ipinangangaral na kailangang “matapat” ang salin. Sa sukdulan, ang tinutukoy ng naturang aral ay literal na tumbásan ng salita-sa-salita ng SL at ng TL. Sa kabilâng bandá, malimit naman nating marinig na “imposibleng maging siyento porsiyentong matapat” dahil sa simpleng pangyayari na walang dalawang wika sa mundo na magkatulad. Pero bakit idinidiin noon pang panahon ni John Dryden ang pagiging matapat ng salin sa orihinal? Kung babalikan ang kasaysayan, may dalawang ugat na Kanluranin ang mahigpit na panghihingi ng katapatan sa pagsasalin.

Una, ang “lunggating Dryden” na nakasalig sa paniwalang may superyor at may imperyor na wika, alinsunod sa antas ng sibilisasyon at kapangyarihang pampolitika ng lipunan. Kaugnay nitó ang pangyayaring isinasalin ang isang akdang nása superyor na wika dahil kailangang matutuhan ng imperyor na lipunan. Sa pagsasalin, sa gayon, ay nagiging pamantayan na ang wikang pansalin ay kapantay ng wikang isinasalin. Ikalawa, ang iniatas na paghihigpit sa interpretasyon ng “teksto ng pananampalataya.” Ang Bibliya ay “Salita ng Diyos,” sagrado, at kayâ kailangang napakaingat ang pagsasalin upang hindi mámalî ng interpretasyon. May isang mahabàng panahon na Latin lámang ang wika ng Simbahang Katolika at kayâ bawal isalin sa ibang wika ang Bibliya. Kapuwa may malakas na epekto ito sa ating kasaysayan ng pagsasalin dahil sa pinagdaanan nating matagal na panahon ng kolonyalismo at dahil sa malaking bahagi ng nakaraang gawaing pampagsasalin ay nása ilalim ng pangangasiwa ng Simbahang Katolika.

Subalit balikan muna natin si John Dryden. Sa totoo lang, hindi makatarungan ang pagpapangalan ko sa kaniya ng “lunggating Dryden.” Sa kaniyang introduksiyon sa salin niya kay Ovid noong 1680 ay mapapansin ang kaniyang di-karaniwang kaalaman hinggil sa pagsasalin at sa mga kahingian ng naturang sining. Inuri niya ang paraan ng pagsasalin sa tatlo. Una, ang “metaprase,” o ang wika nga niya’y literal na paglilipat sa isang awtor nang salitasa-salita at linya-sa-linya túngo sa ibang wika. Ikalawa, ang “paraprase” o pagsasalin sa kahulugan ng sinabi ng awtor ngunit sa paraang nababago at nadadagdagan ang kaniyang wika. Ikatlo, ang “imitasyon” o ganap na kalayaang lumihis sa salita at kahulugan ng awtor kayâ nagdudulot lámang ng pangkalahatang pahiwatig mula sa orihinal. Alam niyang imposible ang una, ang metaprase, dahil may higpit ang gámit ng Latin na mahirap ipahayag sa “mga makabagong dila.” Ngunit ayaw naman niya ang ikalawa at ikatlo. Ayaw niya dahil maluwag ang paraprase; peke naman ang tingin niya sa imitasyon. Nais niya sa gayong lumikha ng salin na nása gitna ng metaprase at ng paraprase. At sa kabilâ ng sinasabi niyang mga limitasyon ng makabagong wikang gaya ng Ingles upang maitapat sa kapangyarihan ng antigong Griego at Latin, malakas pa rin ang hangarin niyang maisa-Ingles ang kagandahan ng akda sa Griego o Latin. Sa sariling salita, lunggati niyang “pagsalitain si Vergil sa Ingles na tulad ng pagsasalita niya kung ipinanganak siya sa England at sa ating panahon.”

Nagiging isang sikolohikong obligasyon ang “lunggating Dryden” kaugnay ng ating bagaheng pampolitika at tinatawag na “kaisipang kolonyal” bílang dáting sákop ng España. Para sa ating mga unang edukado’t tagasalin hanggang bungad ng ika-20 siglo, sinasagisag ng Español (at kahit ng Ingles) ang isang wikang superyor (ang Latin sa tingin noon ni Dryden) dahil tagapagdalá ng higit na mataas na sibilisasyon. Anupa’t naging adhika ng mga edukado natin ang palagiang paghahanap ng pantumbas, ng equivalence, sa wikang katutubo kaakibat ng paghahangad na maiangat ang kapasidad ng wikang katutubo bílang wika ng karunungan. Sa katunayan, may panahong naging adhika ng mga alagad ng Wikang Pambansa na ihanap ng katumbas kahit ang mga terminolohiyang teknikal at siyentipiko—mula sa Balarila hanggang sa Maugnayin—kayâ naakusahan ng “purismo” ang tagapagpalaganap na Surian ng Wikang Pambansa (SWP) noong dekada 60.

Mga Layunin sa Pagsasalin

Siyempre, may kasalungat na saloobin ang pagsasalin. Halimbawa, ang pananaw naman mula sa isang tagasaling may ipinalalagay na superyor na kultura kaysa wika ng isinasalin. Sabi nga noon ni Cicero sa kaniyang pagsasalin ng akdang Griego, isinasalin niya ang mga idea at ang mga porma ng orihinal na Griego ngunit “isinasalin (niya) sa isang wika (Romano) na nakatugma sa ating mga kumbensiyon ng paggamit” (verbis ad nostram consuetudinem aptis). Pinaiiral ni Cicero ang “pribilehiyong imperyalista” ng wika ng makapangyarihang bansa upang samsamin kung bagá ang anumang yaman ng akdang nása wika ng sákop na bansa. Sa ganitong paraan, malaya ang tagasalin na pumilì ng ipinalalagay niyang angkop na paraan ng pagsasalin nang hindi isinasaalang-alang ang maaaring nasikil o nawala mula sa orihinal.

Malimit nasisipi ang sumusunod na simulain sa pagsasalin: (1) Dapat na ganap na nauunawaan ng tagasalin ang kahulugan at ang ibig sabihin ng orihinal na awtor; (2) dapat na may ganap siyang kaalaman kapuwa sa SL at sa TL; (3) dapat na umiwas siya sa mga tumbasang salita-sasalita; (4) dapat na gumamit siya ng anyo ng salita na alam ng nakararami sa TL; at (5) dapat na malapatan niya ng angkop na himig ang himig ng orihinal.

Subalit sa likod ng bawat leksiyon sa pagsasalin ay naroon ang nabuksan kong sigalot. Ang buong kasaysayan ng pagsasalin sa Kanluran ay maituturing na isang walang humpay na rekonsiderasyon at repormulasyon sa “lunggating Dryden” at sa “pribilehiyong imperyalista” ni Cicero. Dahil na rin sa tinatanggap na mga hanggahang pangwika, ang tagasalin ay laging naninimbang sa mga limitasyong pangwika, kalakip ang mga salimuot na itinatanghal ng orihinal, at sa mga tungkuling kusa niyang iniaatang sa kaniyang balikat.

Sa ganito naging mabigat na problematika ang tanong na: Nasaan ba ang ideal na pagitan sa metaprase at sa paraprase ni Dryden? Maraming sagot ang mga teoritisyan. Sa tingin ko at upang makaiwas sa mga debate, ang higit na dapat inuusisa ay: Gaano ba dapat katapat ang pagsasalin? At dito kailangang linawin ang layunin o mga layunin sa pagsasalin. Ano ba ang tungkuling nais gampanan ng tagasalin? Kung magsasalin ka, nais mo bang gayahin ang orihinal? O nais mong gamítin ang orihinal sa isang paraang iba sa orihinal, ngunit ipinalalagay mong kailangan ng iyong target na mambabasá, lipunan, at panahon?

Noong 1813, nilinaw ni Friedrich Schleiermacher sa isang lektura na dalawa ang paraang maaaring gamítin ng tagasalin. “Maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang awtor, hanggang posible, at pakilusin ang mambabasá túngo sa kaniya; o maaaring pabayaang manahimik ng tagasalin ang mambabasá, hanggang posible, at pakilusin ang awtor túngo sa kaniya.” Ayon sa layunin, maaaring basahin ang pag-uri ni Schleiermacher na (1) pagsisikap manatili ang wika at kahulugan ng awtor, o (2) pagsisikap na ilipat ang kahulugan ng awtor sa wika at kultura ng mambabasá.

Mula dito at sa aking palagay, dalawa ang maituturing na pangkalahatang layunin sa pagsasalin: imitasyon at reproduksiyon.

Imitasyon o panggagaya ang tawag ko sa gawaing sumasaklaw sa paghahanap ng katumbas na salita para sa SL hanggang sa pagsisikap na gayahin ang anyo at himig ng orihinal na akda. Naiiba ang imitasyon ko sa “imitasyon” ni Dryden. Hindi ito paggawa ng huwad; sa halip, nangangahulugan ito ng pagsisikap matularan ang isang huwaran, at kung sakali’y higit na malapit sa hakà ni Plato hinggil sa paglikha mula sa pagpangitain ng isang Ideal. May napakalakas na layuning maging matapat ang imitasyon sa orihinal. 

Reproduksiyon o muling-pagbuo ang layuning higit na tumutupad sa inaakalang interes o pangangailangan ng lipunan at panahon ng tagasalin. Nagbibigay ito ng kalayaan at pleksibilidad sa proseso ng pagsasalin. Maaari itong mangahulugan ng pagsasapanahon. Sa gayon, maaari itong umabot sa paglalapat ng wikang higit na naiintindihan ng mambabasá ng salin. Maaari itong mangahulugan ng paglilipat ng orihinal túngo sa isang anyong ipinalalagay na mas ninanais basahin ng madla. Bílang adaptasyon, maaari itong salin ng anyong pampanitikan ng orihinal túngo sa ibang anyong pampanitikan hanggang sa isang pinahabàng paglilinaw sa anyo’t nilalaman ng orihinal. Maraming sinaunang akda ang nagkaroon ng bagongbúhay dahil sa reproduksiyon ng mga ito túngo sa anyo at wikang uso o moda sa target na lipunan.

Magandang halimbawa sa naturang mga layunin ang naging mga transpormasyon ng sanaysay ni Rizal sa wikang Español na “El amor patrio” na nalathala sa Diariong Tagalog noong 1882. Nalathala din at kasabay ng sanaysay ni Rizal ang salin sa Tagalog ni Marcelo H. del Pilar na “Pagibig sa Tinubuang Lupa.” Imitasyon ng “El amor patrio” ni Rizal ang “Pagibig sa Tinubuang Lupa” ni M.H. del Pilar. Si M. H. del Pilar ang editor ng Diariong Tagalog at tiyak na ninais niyang isalin ang artikulo ni Rizal upang mábása ito at pakinabangan ng mga sumusubaybay sa naturang peryodikong propagandista at hindi gaanong bihasa sa Español. Noong 2012, ginawan ko ng pahambing na pagsusuri ang sanaysay ni Rizal at ang salin ni M.H. del Pilar sa aklat kong Ang Pag-ibig sa Bayan ni Andres Bonifacio (UST Publishing House) at nilinaw ko doon ang halaga ng ginawa ni M.H. del Pilar:

Ang tungkulin ng pagsasalin bílang kasangkapan sa pananakop ang malinaw na sinasalungat ng pagsasalin nina Marcelo H. del Pilar at Andres Bonifacio sa “El amor patrio” ni Jose Rizal. Ang salin ni M.H. del Pilar ang unang limbag na pagsisikap upang maipabása sa madlang hindi marunong ng Español ang isang makabayang akda. [Hanggang sa pagsulat ko nitó, hanggang noong 1882 ay pawang akdang nakasulat sa Español ang dokumentong limbag na mga usig at salungat laban sa simbahan at pamahalaang Español at hindi maituturing na makabayan.] Ang patulang salin naman ni Bonifacio ang dagdag na pagakit sa madlang higit noong mahilig makinig/ bumása sa pahayag na patulad.

Nabanggit ko na sa sipi ang pagsasaling ginawa ni Andres Bonifacio sa sanaysay ni Rizal. Reproduksiyon naman ng sanaysay ni Rizal ang tulang “Pagibig sa Tinubuang Bayan” ni Bonifacio. Ang sanaysay ay isinalin sa anyong tula, hindi lámang dahil isang makata si Bonifacio kundi higit na dahil tula ang higit na kinahihiligang anyo ng pahayag pampanitikan ng madla noong ika-19 siglo. Kayâ popular noong babasahín ang tulang pasalaysay na awit at korido at ang patulang pagtatanghal na komedya. Pinilì pa ni Bonifacio ang anyo ng saknong ng awit na ginamit ng dinadakila noong si Balagtas sa Florante at Laura. Wala namang impormasyon kung kailan sinulat ni Bonifacio ang kaniyang tula. Ngunit tiyak na pagkaraang mabása ang “El amor patrio” ni Rizal. Ngunit kailan? Noong ilabas ba ito ni M.H. del Pilar sa Diariong Tagalog noong 1882? O noong ipalathala itong muli ni Rizal sa La Solidaridad noong 31 Oktubre 1890? Alinmang petsa sa pagitan ng 1882 at 1890, ang mahalaga ngayon ay naapektuhan si Bonifacio ng sanaysay ni Rizal at sinikap niyang muling ipahayag ito sa ibang anyo ngunit sa paraang mabisàng naipaloob ang nilalaman at sentimyento ng orihinal. Sa katunayan, higit pang natatandaan ngayon ng marami ang tula ni Bonifacio kaysa sanaysay ni Rizal lalo na ang madamdaming retorika ng unang saknong:

Aling pag-ibig pa ang hihigit kayâ Sa pagkadalisay at pagkadakila Gaya ng pag-ibig sa tinub’ang lupa? Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

 

Mga Hakbang sa Aktuwal na Pagsasalin

Imitasyon man o reproduksiyon, ang talagang unang-unang problema sa aktuwal na pagsasalin ay ang paghahanap ng salita na pantumbas sa isinasaling salita. Ang gawaing ito ay malimit na depende sa tagasalin—sa kaniyang layunin—na depende rin sa kaniyang kaalamang pangwika, sa ninanais niyang epektong pampanitikan, sa kaniyang paboritong salita, sa kaniyang mood hábang nagsasalin [na malimit nagbubunga ng inkonsistensi], atbp.

Sa pangkalahatan at gawaing salita-sa-salita, gumagawa siya ng (1) pagtutumbas, (2) panghihiram, (3) paglikha. Huwag isipin na magkakasunod ang hanay ng mga naturang hakbang alinsunod sa aking pagbilang. Walang priyoridad sa tatlo. Maaaring unahin ng tagasalin ang pangatlo o ang pangalawa. Depende sa kaniyang deskarte o sa ipinalalagay niyang higit na angkop gamítin.

Alinsunod sa bagong patakaran ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang pagtutumbas ay may dalawang yugto. Una, ang paghahanap ng pantumbas na salita mula sa kasalukuyang korpus ng wikang Filipino. Ikalawa, ang pagtuklas ng pantumbas mula sa ibang katutubong wika ng Filipinas. Bahagi ang ikalawang yugto ng adhika ng KWF na higit at aktibong ilahok ang mga wikang katutubo ng bansa sa pagpapayaman ng Wikang Pambansa.

Sa kabilâ ng binanggit na kalayaan sa pagpilì ng nais gamíting paraan sa aktuwal na pagsasalin, ang pagtuklas ng pantumbas bago manghiram ay iminumungkahing pag-ukulan ng panahon ng mga tagasalin. Una, upang higit na mapalalim o mapalawak ang kaalaman sa sariling wika ng tagasalin. Ikalawa, upang maiwasan ang labis o mapagmalabis na panghihiram—ang ibig sabihin, ang panghihiram ng mga hindi naman kailangang salita, lalo’t nagkataóng hindi alam ng tagasalin ang pantumbas mula sa sariling wika bunga ng kaniyang pansariling limitasyon at kakulangan ng saliksik sa sariling wika. Biktima ng ganitong kahinaan ng tagasalin ang popular na paggamit ngayon ng hiram na “triyángguló” (mula sa Español na triangulo) o ng likhang “tatsulók” (mula sa “tatlong sulok”) dahil wala nang nakaaalala sa sinaunang “tilasithá.” Ang totoo, bakâ akalain pa ngayon ng mga Tagalog na katutubo ang “tatsulók” at likha ang “tilasithá.” Bukod pa, bakâ higit pang ninanais gamítin ng mga kabataang tagasalin ngayon ang nireispel na “trayánggel” (mula sa Ingles na triangle) kaysa Español na “triyángguló.”

Kung lumikha man ngayon ng malaking alinlangan ang muli kong pagpapakilála sa “tilasithá” ay nais ko ring tukuyin ito bílang isang marikit na patunay sa mababàng pagtingin sa Wikang Pambansa bílang wika ng karunungan. May naghaharing palagay na kulang na kulang sa dalumat na siyentipiko ang wikang katutubo, kayâ iisipin kaagad, lalo ng mga edukado nating kababayan, na imposibleng may ganitong konseptong heometriko ang mga sinaunang Filipino. Magugulat siláng lalo kapag natuklasang sinauna ang “parisukát,” dahil inakala niláng likha lámang ito at kayâ iniiwasang gamítin at higit na minamabuti ang paghiram ng “kuwádrádo” mulang Español o lalo na ng square o “iskweyr” mulang Ingles.

Samantála, ang “katarúngan” at “lungsód” ang dalawang marikit na halimbawa ng pantumbas mula sa ibang katutubong wika ng bansa. Kapuwa mula sa Kabisayaan ang dalawa. Ang una ay mula sa pang-uring Sebwanong “taróng” para sa tuwid, nilagyan ng kabilaang panlaping KA- at –AN, at ipinantumbas sa “hustisya” ng Español; mula sa Boholano ang ikalawa, nangangahulugan ng nayon o komunidad, ngunit ipinantapat ngayon sa dáti nang hiniram na Español na “siyudád.” Dahil sa binibigyan ang mga salita ng bagong kahulugan ay tíla ito sumasailalim sa paglikha ng salita at kauri ng tinatawag kong “bagong-húlog.” Noon pang panahon ng Americano naganap ang naturang paglalahok ng dalawang salita sa Wikang Pambansa. Sa kasalukuyan, higit na bumibilis ang paghahanap ng ambag na bokabularyo mula sa ibang wikang katutubo. Halimbawa, hiniram ngayon ang “rabáw” ng Ilokano upang ipantumbas sa konsepto ng surface sa pisika, ang “iláhas” mulang Kiniray-a at Hiligaynon upang itumbas sa wild ng biyolohiya, ang “láwas” mulang Sebwano at Waray upang gamitíng tulad ng teknikal na body sa Ingles, gaya sa “lawas pangkalawakan,” “lawas ng tubig.”

Dapat tandaan na ang pagtutumbas ay may mga kaakibat na problema. Pangunahin sa lahat ang pangyayari na walang dalawang wika sa mundo na may magkatulad na bokabularyo. Kayâ bihira ang tunay at ganap na magkatumbas na salita sa dalawang lengguwahe. [Magandang basáhin pa ukol dito ang mga libro sa meaning-based translation ng mga eksperto sa lingguwistika.] At kayâ malimit na nagpapaliwanag ang salin, nagiging isang parirala ang katumbas ng isang salita sa orihinal, o inililikha ng bagong katumbas ang orihinal, kung hindi man tahasang hinihiram.

May sumusunod na proseso naman ang panghihiram. Dahil sa pangyayaring pangkasaysayan at katwirang panlingguwistika, inuunang hiramang wika ang Español. Libo-libo na ang salitâng Español sa lahat ng wikang napailalim sa impluwensiya ng kolonyalismong Español. Halos lahat ng pangunahing gámit na personal ng mga Filipino, kasangkapan sa bahay at sa paaralan, konseptong Kristiyano, atbpang larang ay nása Español. May mga salita na nabago ang anyo dahil marahil sa malîng pakinig ng ating mga ninuno o dahil na rin sa walang-ingat na bigkas ng mga hindi naman edukadong dayuhang tagapagsalita, gaya ng “padér” mula sa paréd, “kómang” mula sa manco. May nagbago ng bigkas, gaya ng may mga impit sa dulong “kampanà” (campana), “kandilà” (candela), “bintanà” (ventana) mula sa wikang wala namang impit ang bigkas sa patinig. May mga salita na aakalaing katutubo kung hindi aaninawin ang pinagmulan, gaya sa “siláhis” (mula sa celaje+s) at “kalatas” (mula sa carta+s). May mga hiniram na palagiang nàsa anyong maramihan, gaya ng “sapatos,” “mansanas,” “materyales,” “prutas,” “medyas,” “mesiyas,” “perlas,” at marami pa. Mga pagbabago itong bunga ng kawalan ng wasto at pampublikong edukasyon sa wikang Español sa loob ng tatlong dantaon ng pananakop.

May sumusunod na proseso naman ang panghihiram. Dahil sa pangyayaring pangkasaysayan at katwirang panlingguwistika, inuunang hiramang wika ang Español. Libo-libo na ang salitâng Español sa lahat ng wikang napailalim sa impluwensiya ng kolonyalismong Español. Halos lahat ng pangunahing gámit na personal ng mga Filipino, kasangkapan sa bahay at sa paaralan, konseptong Kristiyano, atbpang larang ay nása Español. May mga salita na nabago ang anyo dahil marahil sa malîng pakinig ng ating mga ninuno o dahil na rin sa walang-ingat na bigkas ng mga hindi naman edukadong dayuhang tagapagsalita, gaya ng “padér” mula sa paréd, “kómang” mula sa manco. May nagbago ng bigkas, gaya ng may mga impit sa dulong “kampanà” (campana), “kandilà” (candela), “bintanà” (ventana) mula sa wikang wala namang impit ang bigkas sa patinig. May mga salita na aakalaing katutubo kung hindi aaninawin ang pinagmulan, gaya sa “siláhis” (mula sa celaje+s) at “kalatas” (mula sa carta+s). May mga hiniram na palagiang nàsa anyong maramihan, gaya ng “sapatos,” “mansanas,” “materyales,” “prutas,” “medyas,” “mesiyas,” “perlas,” at marami pa. Mga pagbabago itong bunga ng kawalan ng wasto at pampublikong edukasyon sa wikang Español sa loob ng tatlong dantaon ng pananakop.

Bukod sa hindi wasto ang anyo, nagdudulot ang mga salitâng siyokoy ng mga hindi kailangang baryasyon sapagkat ginagamit din ang wastong anyo ng hiniram sa Español o sa Ingles. Halimbawa, ano ang silbi ng baryasyon at siyokoy na “imahe” kung ginagamit naman noon pa ang lehitimong Español na “imáhen”? Pampakapal lang ng diksiyonaryo.

Samantála, nais kong ipapansin ang kinukusa naman ngayong paglikha ng baryasyon ng hiram na salita sa Español bunga ng ilang dahilan o katwirang teknikal. Halimbawa, ang paggamit ngayon ng “siyentista” para sa táong eksperto sa agham at pananatili ng “siyentipiko” bílang pang-uri. Sa Español ang cientifico ay ginagamit kapuwa bílang pangngalan at bílang pang-uri. Ang paglikha ng “siyentista” ay may layuning mabilis na maipakilála ang tao. Nilikha naman kamakailan ang “sikolohista” dahil ayaw ng mga eksperto sa sikolohiya ang kahawig na tunog sa Filipino ng orihinal na psicólogo.

Itinuturing na ikalawang hiramang wika ang Ingles. Ngunit bunga ng higit na pagkalantad sa Ingles ngayon, bakâ ang totoo’y ito ang unang hiramang wika ng nakararaming Filipino. May dalawang yugto ang panghihiram mulang Ingles. Una, ang paghiram sa salita nang walang pagbabago. Ikalawa, ang pagreispel. 

Alinsunod sa 2013 Ortograpiyang Pambansa ng KWF, may tatlong pagkakataóng hinihiram nang walang pagbabago ang mga salita mulang Ingles. Una, sa mga pangngalang pantangi na hiram sa wikang banyaga, gaya ng pangalan ng tao (Charles, Felipe, Jan, Vanderbilt), pangalan ng pook (Filipinas, Nueva Ecija, New Jersey, Africa), at iba pang pangngalang nagsisimula sa malaking titik (Merchant of Venice, Mandarin, Fuerza Santiago, Jollibee, Martinez & Sons). Ikalawa, mga katawagang siyentipiko at teknikal, gaya ng carbon dioxide, jus sanguinis, zeitgeist. Ikatlo, mga salita na mahirap dagliang ireispel o nakapagdudulot ng kalituhan kapag binaybay alinsunod sa palabaybayang Filipino, gaya ng cauliflower, queen, jaywalking. Halimbawa pa, kapag binaybay ang pizza nang “pítsa” ay malaki ang posibilidad na hindi na makilála ang orihinal na pagkaing Italiano at mapagkamalan itong gámit sa paglalaro ng dáma o ahedres.

Hindi naman ipinagbabawal ang reispeling. Isang mabisàng paraan ito upang mabilis na maipaloob sa wikang Filipino ang mga hiram na salita. Marami nang pumasok na salita mulang Ingles na karaniwang isinusulat na sa baybay Filipino, gaya ng “istambay” (standby), “iskedyul” (schedule), “pulis” (police), “korni” (corny). Ngunit tinitimpi ng Ortograpiyang Pambansa ang pagbaybay-Filipino sa mga bagong hiram na salita, (1) kapag nagiging kakatwa o katawa-tawa ang anyo sa Filipino, (2) kapag nagiging higit pang mahirap basáhin ang bagong anyo kaysa orihinal, (3) kapag nasisira ang orihinal na kabuluhang pangkultura, panrelihiyon, o pampolitika ng pinagmulan, at (4) kapag lumilikha ng kaguluhan ang bagong anyo dahil may kahawig na salita sa Filipino.

Halaga ng Paglikha 

Isang nakaliligtaang hakbang ang paglikha. Makabuluhang paraan ito ng pagpapayaman sa bokabularyo ng wikang pinagsasalinan. Gayunman, sinabi kong “nakaliligtaang hakbang” ito at inihulí ko ang talakay dahil sa isang maalingasngas na pangyayari noong ikalawang hati ng dekada 60.

Noong 1965, inihabla ang Pilipino (tawag sa Wikang Pambansa noon) at ang mga ahensiyang nagpapalaganap nitó dahil lumilihis diumano sa atas ng 1935 Konstitusyon. Tagalog din diumano ito at isang maskara lámang ang pagpapangalang “Pilipino.” Sinundan ito ng mga batikos hinggil sa lubhang pagiging “purista” ng Surian ng Wikang Pambansa. Higit diumanong makiling ang SWP sa paglikha sa halip na manghiram. Naging halimbawang katatawanan sa bagay na ito ang diumano’y likhang “salumpuwit” sa halip na gamítin ang “upuan” o ang popular nang hiram na “sílya.” Inabutan ng asamblea para sa pagbago ng saligang-batas ang naturang isyu kayâ nagpasiklab sa damdaming kontraPilipino ng mga delegado. Anupa’t sa 1973 Konstitusyon ay halos pinatay ang “Pilipino” dahil sa ninais ipadevelop na “Filipino” bílang Wikang Pambansa.

Sinundan ang pangyayaring ito ng mapagmalabis na hilig sa panghihiram, lalo na mula sa Ingles. Sintomas ng hilig na ito ang paglabas ng mga aklat sa gramatika na ipinagagamit ang nireispel na “nawn,” “adyektib,” atbp kapalit ng “pangngalan,” “pang-uri,” at mga likhang termino sa pinalaganap nang balarila ni Lope K. Santos. Kayâ naging tamilmil kahit ang mga masugid na alagad ng wika na umimbento ng bagong salita para sa hinihiram na bagong konsepto.

Sa kabilâ ng lahat, makabuluhan pa ring isaalang-alang ang paglikha bílang isang paraan ng pagsasalin. May tatlong paraan ng paglikha: (1) bágong-pagbuô (neolohismo), gaya ng “banyuhay” (metamorphosis), “takdang-aralin” (assignment), “kasarinlan” (independence), “pulutgatâ” (honeymoon), (2) hirám-sálin (calquing o loan translation), gaya ng “daambakal” (railway), “subukangtúbo” (test tube), “halamang-ugat” (root crop), (3) bágong-húlog (pagbúhay sa isang lumang salita at pagbibigay ng isang bagong kahulugang teknikal) gaya ng “agham” (science), “kawani” (employee), “katarungan” (justice), “lungsod” (city), “iláhas” (wild), “rabáw” (surface).

Ang bagong-pagbuo ang pinakakaraniwang taktika sa paglikha ng salin. Kinukuha ang kabuuang kahulugan ng orihinal na salita at sakâ tinatapatan ng tambalang salita, gaya ng “takdang-aralin” na katapat ng Ingles na assignment para sa pagtuturo (hindi nasasákop ng salin ang ibang kahulugan o gámit ng assignment), o kayâ ng pagbuo ng isang salita mula sa isang parirala, gaya ng “banyúhay” mula sa “bagong anyo ng búhay” na naging pantumbas sa metamorphosis. Kaiba ang proseso ng pagtutumbas sa hiram-salin dahil literal na sinusundan lámang ang takbo ng kahulugan sa orihinal, gaya ng “daambakal” na literal na ibig sabihin ng railway. Bagaman higit sanang literal ang “bakal na daan” kaysa “daambakal” at siyempre naging popular na rin ang hiram sa Español na “ríles.” Ang bagong-húlog ay imbento kong termino para pagbibigay ng bagong kahulugang teknikal sa isang lumang katutubong salita at may ibang lumang kahulugan. Halimbawa, ang “aghám” sa sinaunang Tagalog ay pagkilála sa tunay na pagkatao ng isang tao. Ngunit ginagamit ito ngayong katumbas ng “siyensiya” o science at wala nang nagsisikap umalala sa orihinal nitóng kahulugan. Ang “rabáw” ay Ilokano para sa ibabaw ngunit pinalalaganap ngayong pantumbas sa teknikal na kahulugan ng surface sa pisika. Maaaring manatili ang orihinal na kahulugan ng “rabáw” kapag ginagamit ng mga Ilokano ngunit surface na ito kapag ginamit ng di-Ilokanong Filipino.

Sa unang hati ng ika-20 siglo at sa sigabo ng pagpapayaman sa Wikang Pambansa ay naging masigla ang paggamit sa tatlong paraan ng paglikha. Pinakamagandang halimbawa ng bagong-pagbuo ang mga terminong panggramatika na naging popular sa bisà ng balarila ni Lope K. Santos. Aplikasyon naman ng bagong-húlog ang paggamit ng mga katawagang pangagrikultura para sa peryodismo, gaya ng “tudlíng” para sa column, “pangulong-tudlíng” para sa editorial.

Mga hiram-salin naman ang gaya ng “tagamasíd” para sa supervisor at “tagapamanihalà” para sa superintendent. Ngunit ang pagmamadalî marahil sa paghahanap ng katumbas ay nagbunga din ng hindi gaanong eksaktong salin, gaya sa “patnúgot” na maaaring itapat sa editor at sa director. Ang “pahayagán” ay katapat ng diario sa Español o newspaper sa Ingles ngunit problema ang “pamamahayág” dahil maaaring itapat sa journalism at maaari din sa demonstration. Alin ba sa “tagapamahalà,” “tagapangasiwà,” o “tagapagpatupád” ang katapat ng manager o administrator?

Salimuot ng Salita Bílang Teksto

Ipinapayo din ngayon ng mga eksperto ang pagsuri sa akda bílang teksto. Ang ibig sabihin, ang salita ay hindi salitâng nakalutang sa hangin. Nagkakaroon ito ng kahulugang iba sa karaniwang gámit alinsunod sa posisyon nitó sa pangungusap, sa himig ng pagkakabigkas, at sa iba pang tinatawag na konteksto. Kayâ, iminumungkahi ang pagsagot sa sumusunod na tanong: Paano ba ginagamit ang salita sa teksto? Sa pagsasaling pampanitikan, lalo na, kailangang alamin ang mga larong pampanitikan at kaligirang pangkultura ng teksto.

Ipinapayo din ngayon ng mga eksperto ang pagsuri sa akda bílang teksto. Ang ibig sabihin, ang salita ay hindi salitâng nakalutang sa hangin. Nagkakaroon ito ng kahulugang iba sa karaniwang gámit alinsunod sa posisyon nitó sa pangungusap, sa himig ng pagkakabigkas, at sa iba pang tinatawag na konteksto. Kayâ, iminumungkahi ang pagsagot sa sumusunod na tanong: Paano ba ginagamit ang salita sa teksto? Sa pagsasaling pampanitikan, lalo na, kailangang alamin ang mga larong pampanitikan at kaligirang pangkultura ng teksto.

Mabigat ding tungkulin ang pagsasaliksik sa kaligirang pangkultura ng teksto. Tinatawag din itong konteksto at tumutukoy sa idyomang pangwika, alusyong pampanitikan, sipi sa kasaysayan, at/o kaugaliang panlipunan na posibleng nakatimo sa teksto, sinadya man o hindi ng awtor. Ang ibig sabihin pa, ang isang manunulat ay produkto ng kaniyang karanasan, panahon, at lipunan at dahil dito’y tiyak na naaapektuhan ng mga ito sa akto ng pagsulat. Bahagi ng tungkulin ng dalubhasang tagasalin ang sipag magsaliksik. Tiyak na makatutulong sa tagasalin ang anumang impormasyong magbibigay ng dagdag na liwanag sa kaniyang tekstong isinasalin. Itutumpak ng kaalaman hinggil sa pinagmulan ng isang salita sa orihinal ang kaniyang pagpilì ng itutumbas na salin.

Siyempre, hindi dapat kalimutan ang paggamit ng tumpak na timpla lalo na’t pampanitikan ang ninanais na salin. Kung bagá sa pagluluto, may mga kusinerong marunong sumunod sa resipe ngunit walang lasa ang inihaing pasta. Pare-pareho lang ang sangkap ng sinigang ngunit nása dalubhasang kusinero ang pagtimpla upang magkaroon ito ng tamang asim. Sa pagsasalin, kung minsa’y nangangahulugan lámang ang tumpak na timpla ng wastong paggamit sa “pero,” “ngunit,” “subalit,” o “datapwat.” O ng isang angkop na anyo ng pangungusap upang mapalitaw ang katangian ng isang tauhan. O ng maikli o mahabàng talata para ipahayag ang matinding damdamin o mabagal na pagninilay. Wala mang batas hinggil dito, ang pansarili ngunit masusing ebalwasyon ng tagasalin sa mga katangian ng isinasaling teksto ang papatnubay sa kaniya upang mailapat ang nararapat na timpla ng salin.

Pagkatapos ng lahat, pinakamahalaga sa pagsasalin ay accuracy. Eksaktitud. Hindi sa kahulugang “katapatan” o fidelidad lámang. Higit na ukol ito sa “pagiging wasto” : (1) tama ang bása sa teksto, (2) malinaw ang interpretasyon, (3) epektibong nabigyan ng bagong búhay ang orihinal. Maaaring makaengkuwentro ang mga ibig kong sabihin ngayon sa ibang salita. May sari-sariling iniimbentong termino ang mga eksperto upang higit na maipahayag ang kanilang ibig sabihin. Halimbawa, ang fluency strategy ni John Hookham Frere (1820) o ang dynamic equivalence ni Eugene Nida. Maaari ding makaengkuwentro ng paliwanag na binibigyan ng pagpapahalaga ang bílang (1) o ang bílang (2). At maaaring bunga ito ng ninanais bigyan ng diin ng sumulat o bunga rin ng palipat-lipat na empasis sa kabuluhan ng pagsasalin sa pana-panahon.

Hintay muna. Hindi ba’t kapag pagiging eksakto ang pamantayan ay higit na nauukol ito sa pagsasaling teknikal? Maaari. Subalit dapat ding igiit na ang “wastong pagsasalin” ay katangian kapuwa ng pampanitikan at teknikal na salin. Naididiin lámang ang eksaktitud sa saling teknikal dahil sa mahigpit na kahingian ukol dito ng tekstong siyentipiko at teknikal. Halimbawa, ang “náis” ay may pagpipiliang mga singkahulugang gaya ng “gustó,” “ibig,” “nasà,” “pithayà,” at “lunggatî.” Nakahayin itong mga pagpipilian ng tagasalin at dahil may nagkakatulad namang katuturan ay maaaring palit-palit gamítin sa pagsasalin ng isang akdang pampanitikan, alinsunod sa kaniyang pangangailangang pampanitikan, o kahit alinsunod sa kaniyang naisip gamítin sa isang pagkakataón. Ngunit maaaring timpiin ng pagsasaling teknikal ang ganitong kaluwagan. Itatapat nitó ang “lunggatî” para sa desire ng sikolohiya, ang “nasà” para sa masidhing layuning malimit na nauukol sa bawal, ang “adhikà” para sa hangaring malaki at pampolitika, ang “mithî” para ideal ng pamantayang pilosopiko. At hindi maaaring magkapalit-palit ng aplikasyon ang mga salitâng ito kapag ginamit sa isang tiyak na disiplina o larang sa agham at teknolohiya. Gayunman, dumarating din ang ganitong higpit at tatag ng pagpapakahulugan sa pagsasaling pampanitikan, lalo na kapag nakaharap ng tagasalin ang espesyal na wika ng isang awtor o ang tunay na naiibang kontekstong pangkultura ng isang katha.

Malimit ngang kailangan niyang maglagay ng talababâ upang ipaliwanag ang isang hindi maisaling salita sa tula o bigyan ito ng pakahulugan sa loob ng talata.

Kayâ noon pang 1886 ay naipayo na ni Paciano Mercado Rizal sa kapatid niyang si Jose na: “Ang pagsasalin ay iniaayon sa mga salita kapag ito’y mauunawaan, at ginagawang malaya naman kapag iyon ay may kalabuan datapua’t hindi lumalayo kailanman sa kahulugan.” Noon pa’y alam na ni Paciano na higit na mahalagang patnubay sa tagasalin ang hindi paglihis sa kahulugan. Paglilipat ng kahulugan ang pangunahing layunin ng pagsasalin. Maaaring gumamit ang tagasalin ng pagtutumbas, lumikha, o manghiram alinsunod sa kaniyang pangangailangan upang higit na mabisàng mailipat sa kaniyang wikang pansalin ang kabuuang ibig sabihin ng isinasalin.

Kayâ noon pang 1886 ay naipayo na ni Paciano Mercado Rizal sa kapatid niyang si Jose na: “Ang pagsasalin ay iniaayon sa mga salita kapag ito’y mauunawaan, at ginagawang malaya naman kapag iyon ay may kalabuan datapua’t hindi lumalayo kailanman sa kahulugan.” Noon pa’y alam na ni Paciano na higit na mahalagang patnubay sa tagasalin ang hindi paglihis sa kahulugan. Paglilipat ng kahulugan ang pangunahing layunin ng pagsasalin. Maaaring gumamit ang tagasalin ng pagtutumbas, lumikha, o manghiram alinsunod sa kaniyang pangangailangan upang higit na mabisàng mailipat sa kaniyang wikang pansalin ang kabuuang ibig sabihin ng isinasalin.

Ferndale Homes 

8 Nobyembre 2015